Kahit mas marami ang kaniyang talo at nabubugbog, hindi tumigil sa paglaban ang isang boksingero para mapag-aral at makapagtapos sa kolehiyo ang kaniyang misis. Ang kaniyang sakripisyo, panalo.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing may fight record si Jonel Borbon na dalawang panalo, dalawang tabla, at 23 talo.

Ngunit hindi raw sumagi sa isip ni Jonel na tumigil sa pagboboksing dahil napagkukunan niya ito ng pangtustos sa pag-aaral ng kaniyang asawa na si Mai, na may kursong information technology.

Marami na raw ang nagpapayo sa kaniya na huminto na sa paglaban. Pero iniisip ni Jonel na wala siyang pagkukunan ng pangsuporta o pangdagdag sa pag-aaral ng asawa kaya nagpatuloy pa rin siya sa pagboboksing.

Ayon kay Jonel, hindi sasapat ng kikitain niya sa pagtatrabaho sa gym para mapag-aral si Mai.

"Kasi medyo malaki ang kailangang i-down [payment], kailangan sa tuition fee niya. Eh 'pag lumaban ako puwede ko siyang makuha doon ang kahalati, puwedeng pag-ipunan na lang yung kalahati," paliwanag niya.

Kumikita siya ng P8,000 kada laban pero hindi pa rin sasapat dahil apat na beses lang sa isang taon kung makalaban siya.

Para makadagdag ng kita, sumasali rin siya sa mixed martial arts (MMA). Kahit mas maliit ang bayad, puwede naman daw lumaban ng sunod-sunod.

Kuwento ni Jonel, may sinalihan nga siya na magkasunod na laban.

"Pumunta nga ako sa event may mga pasa ako. Nakita ako ng mga staff doon, pagkakita nila sa akin, "Oh nandito ka naman? Kailangan na kailangan ba?,'" natatawang sabi ni Jonel.

Batid naman ni Mai na hindi biro ang pagsasakripisyo ng mister kaya naman pinagbutihan niya ang pag-aaral.

At ngayong taon, nagbunga na ang kanilang paghihirap nang makapagtapos ng kolehiyo si Mai na cum laude pa.

Tiniyak naman ni Mai kay Jonel na hindi mangyayari ang mga sinasabi ng iba na iiwan niya ang mister kapag nakapagtapos na siya ng pag-aaral at makahanap ng trabaho.

"Hinding-hindi 'yong mangyayari," sabi ni Mai kay Jonel kasabay ng pagpapahayag ng pasasalamat sa ginawa nitong sakripisyo para sa kaniya.

Ngayong tapos na sa pag-aaral ang asawa, balak na lang ni Jonel na mag-focus sa pagtuturo ng boksing.—FRJ, GMA News