Inihayag ni Bea Alonzo na minsan niyang inisip na hanapin ang tunay na ama na hindi niya kinagisnan dahil sa "inggit" nang mahanap noon ng kaibigan niyang si Angelica Panganiban ang tunay na ama.

Sa panayam ni Jessica Soho, sinabi ni Bea na taong 2009 nang mahanap ni Angelica ang tunay na ama na isang Amerikano.

"Sa akin siya [Angelica] umiiyak kasi parang alam niya maiintindihan ko [siya]. Because pareho kami ng background ba," ayon kay Bea, na hindi nakagisnan ang amang Briton matapos silang iwan ng kaniyang ina noong apat na taong gulang pa lang siya.

Nang panahon na makita ni Angelica ang ama na nasa Amerika, sinabi ni Bea na sumagi sa isip niya niya na, "Hanapin ko rin kaya yung tunay kong ama?"

Patuloy pa ni Bea, "Sabi ko parang nakaka-inggit naman yung na-experience ni Angelica. Parang gusto ko rin ng ganun."

Pasko ng 2009, nilasing daw ni Bea ang kaniyang ina na hindi naman talaga umiinom. Ginawa raw niya iyon para makakuha ng impormasyon tungkol sa kaniyang ama na magagamit niya sa paghahanap.

"Kaya lang yung reaksyon na ibinigay niya sa akin that was my deciding factor na 'wag na lang. That's my life is complete," kuwento ni Bea.

“It was a very painful past. Para sa akin nabuo naman yung pagkatao ko na wala akong ama," patuloy niya. "Growing up, hindi ko na-feel na meron pagkukulang kasi my mom is both my dad [and my mom]."

Dahil kilala ang "KMJS" sa husay sa paghahanap ng mga nagkawalay na pamilya, tinanong ni Jessica si Bea kung nais niyang hanapin ang ama.

"Naku! 'wag na po nating hanapin ang tatay ko kawawa naman yung nanay ko," natatawang sabi ni Bea. --FRJ, GMA News