Masaya, malikot at game na game sa pag-rap si Hipon Girl' Herlene kasama si Klea Pineda sa pagkanta nila ng "Levitating" ni Dua Lipa. Una rito, natsismis si Herlene na buntis at ang TV host na si Willie Revillame raw ang ama.

Sa Instagram ipinost ni Klea ang nakatutuwa nilang video ni Herlene habang nasa isang kuwarto.

Gaya nang unang napanood si Herlene bilang co-host ni Willie sa "Wowowin," masaya at malikot pa rin ang dalaga.

Salitan na ginagaya nina Herlene at Klea ang lyrics sa kanta, at makikita na bigag na bigay si "Hipon" sa kaniyang pagkanta.

Sa naturang video, walang makikitang palatandaan na totoo ang tsismis na buntis si Herlene.

Sa IG account ni Herlene, Mayo pa ang huling larawan na kaniyang ipinost na seksing-seksi siya sa suot na red dress.

 

 

Kamakailan lang, binatikos ni Willie ang nagpapakalat ng tsismis na buntis si Herlene at siya raw ang ama.

"Natsitsismis ho nagkaanak daw ako kay Hipon at buntis daw. Hindi totoo 'yan. Puro fake news ang ginagawa niyo," sabi ni Kuya Wil.

"Kaya daw nawala si Hipon nabuntis ko. Ano magiging anak namin...hipon?," saad niya.

READ: Willie Revillame, nagsalita tungkol sa intrigang nabuntis niya si ‘Hipon Girl’ Herlene

Marami naman ang naaliw sa video nina Herlene at Klea na mayroon nang mahigit 40,000 views, at nagkomento rin ang ilan kapwa nila Kapuso tulad nina Kim Rodriguez at Sef Cadayona.— FRJ, GMA News