Nais umano ni Pangulong Rodrigo Duterte na tumakbong pangulo sa May 2022 presidential elections ang anak nitong si Davao City Mayor Sara Duterte, ayon kay presidential spokesperson Harry Roque.
Inihayag ito ni Roque nitong Martes, matapos siyang tanungin tungkol sa dahilan ng tila lumalalang iringan nina Pres. Duterte at Senador Emmanuel "Manny" Pacquiao.
“Sinabi niya na gusto niya i-endorso si Inday Sara pero kung ayaw talaga, let us see who has the numbers: Senator Pacquiao, Mayor Isko (Moreno), former Senator Bongbong Marcos,” ayon kay Roque.
“Di nakaantay si Senator Pacquiao,” dagdag niya.
Si President Duterte ang chairman ng administration party na PDP-Laban, habang acting president naman si Pacquiao.
Nang linawin kay Roque ang mga naunang pahayag ng pangulo na ayaw niyang tumakbong presidente ang anak na si Sara, sinabi ng tagapagsalita na nais talaga ni Duterte na tumakbo ang anak.
“Sinabi niya, gusto n'ya ring tumakbo si Mayor Sara pero ayaw ni Mayor Sara,” ayon sa opisyal.
Nitong Lunes ng gabi, hinamon ni Pangulong Duterte si Pacquiao na isiwalat ang mga ahensiya ng pamahalaan na sangkot sa katiwalian.
Kung hindi umano ito magagawa ng senador, isisiwalat niya ang kasinungalingan ni Pacquiao at mangangampanya ito laban sa senador kapag tumakbo sa 2022 elections.
Nang tanungin si Roque kung nais ba ni Pangulong Duterte na alisin si Pacquiao sa PDP-Laban, sinabi ng tagapagsalita na ang pamilya Pimentel [ni Sen. Koko Pimentel] ang kinikilala ng Punong Ehekutibo pagdating sa nabanggit na partido.
Una nang sinabi ni Pimentel na dapat kapartido at hindi mula sa labas ang magiging pambato ng PDP-Laban sa 2022 elections.—FRJ, GMA News