Sadya raw mahilig mag-ipon ng pera si Mark Christian Aludino na mula sa Marikina City. Kaya naman pati ang sahig ng kanilang bahay, hinukay niya para gawing alkansya.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabi ni Mark na ginawa niya ang underground alkansya noong 2018 nang malaman niyang kinukupitan ng kaniyang kapatid ang ordinaryo niyang alkansya.

Maging ang iba pang miyembro ng pamilya, naghuhulog na rin ng barya sa underground alkansya ni Mark.

Pero nang kailanganin na niya ang pera para ihulog sa kinuha niyang lupa, nagpasya si Mark na buksan na at tibagin ang underground alkansya.

Nang kanilang mabuksan ang sementong takip, tumambad na ang napakaraming barya na kinailangan niyang salukin at linisin muna.

Bagaman maraming netizens ang humanga sa ginawa ni Mark, mayroon ding mga pumuna dahil sa dami ng barya na sinasabing isang uri umano ng "coin hoarding" na ipinagbabawal ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

Alamin sa video ng "KMJS" kung magkano ang lahat ng naipong barya sa underground alkansya, at kung ilegal nga ba na dapat panagutan sa batas ang ginawa ni Mark? Panoorin.

--FRJ, GMA News