Nahuli-cam ang ginawang pag-atake ng dalawang lalaki sa pamamagitan ng pagbukas sa pinto ng kotseng naipit sa trapik sa Road 10 o Mel Lopez Boulevard sa Maynila. Natangay ng mga kawatan ang isang bag sa loob ng sasakyan.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GTV Balitanghali nitong Lunes, makikita sa CCTV footage ang dalawang suspek na nasa gilid ng kalsada at tila sinisipat ang mga sasakyang naiipit sa mabigat na daloy ng trapiko.
Hanggang sa isang sasakyan ang kanilang inukutan, at binuksan ang pinto sa passenger side. Hanggang sa hablutin ng suspek ang bag sa loob at tumulong ang kasama nitong suspek sabay takas.
Ayon kay Police Major Philipp Ines, public information officer ng Manila Police District, tukoy na nila ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
Ngunit hinihintay pa umano ng mga awtoridad ang biktima na makipag-ugnayan sa kanila para sa isasampang reklamo.
Paalala ng pulis, laging maging alerto at itawag sa pulisya kapag may nakitang tao na kahina-hinala ang kilos.
Ipinayo naman ng road safety expert na si Augusto Lagman, trustee, Automobile Association Philippines, na dapat laging tiyakin na naka-lock ang mga pinto ng sasakyan lalo na sa mga peligrosong lugar. --FRJ, GMA Integrated News