Iimbestigahan sa Kamara de Representantes kung nagamit nang tama ang mga pondo na nakalaang gamitin para sa mga tao, ayon kay Speaker Martin Romualdez. Kasabay nito, papalitan ang chairman ng House Appropriation Committee, na nangunguna sa pagtalakay sa taunang pondo ng gobyerno.

Nitong Lunes, sinabi ni Speaker Martin Romualdez,  na magsasagawa ng pagdinig ang mga kinauukulang komite sa Kamara de Representantes, upang alamin kung papaano ginamit ang mga pondo na nakalaan para sa mga tao.

“Good governance demands transparency and accountability. This chamber is the vanguard of that principle. In the coming weeks, we will hold oversight hearings to ensure that the people’s money serves the people’s needs,” saad ni Romualdez.

Ginawa ni Romualdez ang pahayag sa nalalabing 12 araw na sesyon ng Kongreso bago ang mag-adjourn upang bigyan ng daan ang kampanya ng mga mambabatas para sa Eleksyon 2025.

Ayon kay Romualdez, kabilang sa mga tutukan ng imbestigasyon ang mga sumusunod:

  •     smuggling at hoarding sa mga pangunahing produkto;
  •     ang P206 bilyon na hindi umano pinayagang gastusin ng National Grid Corporation of the Philippines;
  •    ang P11.18 bilyong halaga ng expired medicines at hindi lubos na nagagamit na Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) fund; at
  •     umano'y hindi tamang paggamit ng confidential funds

“Let this be our promise: public trust is sacred, and this House will never betray it,” ayon kay Romualdez.

Sinabi rin ng lider ng Kamara na hindi sila magpapaapekto sa mga kritiko ng isinasagawa nilang mga legislative inquiries o pagdinig.

“In this chamber, our leadership must always be guided by a singular question, how does this serve the Filipino? Hindi tayo aatras sa anumang laban para sa bayan,” giit niya.

Rep. Go, nagbitiw?

Samantala, inaprubahan ng mga kongresista ang mosyon ni Senior Deputy Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, na ideklarang bakante ang makapangyarihang Committee on Appropriations, na dating pinamumunuan ni Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co.

Isang oras matapos aprubahan ang mosyon ni Marcos, sinabi ni Co sa isang pahayag na nagbitiw siya bilang pinuno ng komite dahil sa usapin ng kalusugan.

“I extend my heartfelt gratitude to the majority in Congress for graciously accepting my decision to step down as Chairman of the House Committee on Appropriations. This decision, made with a heavy heart, is driven by pressing health concerns. The highly demanding nature of my role has taken its toll, and I now need to prioritize seeking the medical attention necessary for my well-being,” ayon kay Co.

Inihayag din niya na “I always served at the pleasure of the majority.”

“I am deeply honored to have been entrusted with the immense responsibility of steering the nation’s budget in service of the House of the people and the constituents we represent,” sabi pa ng kongresista.

“In the past three years, I take pride in our collective accomplishments, particularly the Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP), which provides critical support to those with income insufficient for their family needs. As the proud sponsor and shepherd of the budgets for 2023, 2024, and 2025, I ensured [that the budget is in] alignment with the President’s eight-point economic agenda,” dagdag pa niya. — mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News