Nag-viral ang isang video sa social media na makikita ang pagturok ng COVID-19 vaccine sa isang tao sa Makati City pero hindi naman pinindot ng nurse ang heringgilya para maipasok sa katawan ang gamot. Si Mayor Abigail Binay, humingi ng paumanhin at tinawag na "human error" ang nangyari.
Sa video, makikita na matapos maiturok ang karayom sa braso ng isang tao, kumuha na ng band aid ang nagturok na isa umanong nurse at inalis na ang heringgilya na mayroon pa ring gamot.
Nitong Lunes, sinabi ni Mayor Binay na "honest mistake" ang nangyari at kaagad naman naituwid ang pagkakamali.
“We acknowledge the video, it was a human error on the part of the volunteer nurse. It happened last June 25. June 26, the video was shown to us na hindi po siya nabakunahan, we apologize to the public,” ayon kay Binay sa Palace briefing.
Umapela ang alkalde na unawain ang pangyayari at huwag batikusin ang volunteer nurse at ang COVID-19 vaccination program.
“Maawa po tayo sa nurse, kusang-loob po siya naglaan ng kaniyang oras, tao lang po, napapagod. Naitama naman agad ang pagkakamali. Humihingi rin siya ng tawad and we are giving an assurance na hindi na uli mangyayari ito,” sabi pa ni Binay.
“Huwag na natin pagbintangan ng walang ebidenisya...para siraan ako, ang vaccination program ng Makati. Huwag natin gamitin ito para siraan ang vaccination program ng bansa,” patuloy niya.
Sa Facebook page ng Makati City, sinabi ni Binay sa pahayag na aksidente ang nangyari at “human error.”
Hinikayat niya ang publiko na ituon na ang atensiyon sa COVID-19 vaccine rollout.
Gayunman, sinabi ng Department of Health, na iimbestigahan nila ang insidente na umano'y “clear breach of vaccination protocol.”
“Sinisigurado po namin na ating iimbestigahan ang pangyayaring ito upang mapabuti ang ating national vaccination program,” ayon kay Health Secretary Francisco Duque III.
Una rito, sinabing umabot na sa 10 milyon doses ng COVID-19 vaccine ang naiturok sa mga Pinoy hanggang nitong June 27, apat na buwan matapos simulanang inoculation campaign.--FRJ, GMA News