Sinasabing one in a million ang tinatamaan ng Ablepharon-macrostomia Syndrome o AMS. Dahil sa napakapambihira ang naturang sakit, hindi pa ito lubos na napag-aaralan. Ano ba ang kondisyon na ito na apektado ang mga mata at bibig?
Sa programang "Pinoy MD," ipinakilala ang dalawang-taong-gulang na si Alexandra ng Cavite, na mayroong AMS.
Kapansin-pansin ang kaniyang mga mata na walang talulak. Hindi rin maayos ang pagkaka-develop ng kaniyang tenga, at kamay, iba rin ang tubo ng kaniyang ngipin, at may kalakihan ang kanilang bibig.
Dahil sa kalagayan ni Alexandra, malabo rin ang kaniyang mga mata at nakadilat siya kung matulog.
Kuwento ng ina ng bata na si Mary Jane, hindi siya nakapag-pa-checkup noong ipinagbubuntis niya si Alexandra.
At nang iluwal niya ang anak, kaagad na iniwan sila ng ama ng bata nang makita ang kondisyon nito.
Hindi malaman ni Mary Jane kung bakit nagkaroon ng naturang kondisyon ang kaniyang anak, Wala rin siyang alam na kamag-anak na mayroong AMS.
Ano nga ba ang nagdudulot ng AMS? Maaari ba itong mamana o makuha sa genes ng magulang? May paraan ba upang malunasan ang mga may ganitong kalagayan tulad ni Alexandra para maiayos ang kaniyang mga mata?
Tunghayan ang paliwanag ng mga duktor at buong impormasyon tungkol sa AMS sa video na ito ng "Pinoy MD." Panoorin.
--FRJ, GMA News