Kilala mo ba talaga ang Diyos o kilala mo lamang Siya sa pangalan? (Mateo 16:13-16)

"Ang nananatili sa Panginoong Diyos ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala. Ang sinomang nagpapatuloy sa pagkakasala ay hindi nakikita o nakakakilala sa Diyos." (1 Juan 3:6)

Maraming tao ang nagsasabing malapit sila sa Diyos dahil malimit silang magsimba, magdasal, mamanata at mag-Novena.

Subalit anong silbi ng pagiging relehiyo kung patuloy sila sa paggawa ng mga kasalanan? Puwede bang mamangka sa dalawang ilog ang ating pananampalataya sa Panginoong Diyos?

Mababasa natin sa Mabuting Balita (Mateo 16:13-16) na tinanong ni Hesus ang kaniyang mga Disipulo batay na rin sa tanong ng mga tao kung "sino raw ba ako na Anak ng Tao?"

Iba't ibang pangalan ang isinagot ng mga taong tinanong ng mga Alagad patungkol kay Kristo. (Mateo 16:14). May nagsabing si Juan na tagapagbawtismo. May nagsabing si Elias. At may nagsabing Jeremias, o isa sa mga propeta.

Ang ibig lamang nitong sabihin, hindi kilala ng mga taong ito ang Anak ng Tao na walang iba kundi ang ating Panginoong Hesus mismo. Hindi nila kilala sapagkat hindi sila nag-abala o nagsikap man lamang upang makilala nila si Kristo.

Para masabi natin na talagang kilala natin halimbawa ang isang tao, kailangan ay alam natin kung ano ang kaniyang ayaw at kung ano naman ang kaniyang gusto.

Kung ano ang ayaw ng taong kakilala natin, iyon ang ating gagawin dahil sa tinatawag na respeto at paniniwala sa kaniya.

Kung sinasabi ng ilan na kilala nila si Hesus, bakit sila nagpapatuloy sa pagkakasala? Kung talagang kilala nila ang ating Panginoon, bakit natin nilalabag sa mga utos ng Diyos tulad ng huwag magnakaw, makiapit, pumatay at iba pa?

Hindi lamang sapat ang makilala natin ang ating Panginoong Hesus sa pagturing sa sarili na isang "relihiyoso." Kundi mahalaga na mayroon tayong tunay na pananampalataya, pagtitiwala at paggalang sa Kaniya.

Anong saysay ng pagkakilala natin kay Kristo kung ang buhay naman natin ay kasalanan? Ang ibig lamang nitong sabihin, hindi natin talaga lubos na kilala ang ating Diyos.

Sa halip ay kilala mo lamang Siya sa pangalan at pero hindi mo isinasabuhay ang totoong pagkakakilala mo sa ating Panginoon.

Itinuturo sa atin ng Pagbasa na upang tunay na makilala ang ating Panginoon, kailangan talikuran natin ang mga gawain na sumisira ng ating ugnayan o relasyon sa Kaniya katulad ng paggawa ng mga kasalanan.

Huwag tayong tumulad doon sa mga taong nagsasabing kilala nila ang Diyos dahil sila ay nagpalayas ng mga demonyo, nangaral at gumawa ng mga himala. (Mateo 7:22)

Sapagkat ipinaliwanag mismo ng ating Panginoong HesuKristo na hindi lahat ng tumatawag sa Kaniya ng Panginoon ay makapapasok sa Kaharian ng Langit. (Mateo 7:21)

Huwag nating hintayin na dumating ang panahon na maharap na natin Siya at sabihin Niya tayo na: "Hindi ko kayo kilala. Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan". (Mateo 7:23).

Manalangin Tayo: Panginoong Hesus, tulungan Mo po kaming makilala Ka pa namin nang lubusan. Nawa'y matutunan din naming lumayo sa mga pagkakasala dahil batid namin na ito ang ayaw mong gagawin namin. AMEN.


--FRJ, GMA News