Humingi ng tulong ang isang Pinay overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia matapos siyang halayin umano ng kaniyang lalaking amo, at pagbuhatan ng kamay ng asawa nito.

Sa ulat ni JP Soriano sa GTV "Balitanghali," nitong Biyernes, sinabing ilang buwan pa lamang nagtatrabaho sa Dammam ang OFW na itinago sa pangalang "Rose," ay nakaranas na siya ng pananakita sa babae niyang amo.

Ang lalaki niyang amo, nilalapastangan din umano siya.

"Binaboy niya po ako. Pinupuwersa niya ako, hinila niya ako," sabi ni Rose.

Matapos nito, agad na tinawagan ni Rose ang kaniyang agency upang iulat ang nangyari, ngunit bago pa man siya makatanggap ng payo at gagawin, muling nangyari ang panghahalay sa kaniya.

Nagdesisyon si Rose na umalis sa pinapasukan niyang bahay habang natutulog ang lalaking amo.

"Nagdesisyon akong lumabas ng bahay kasi natakot ako kung ano na namang gawin niya sa akin. Noong nakalabas na ako, bahala na... walang tao sa labas, may mga sasakyan madalang. Bigla nang nawala ako sa sarili sir, hindi ko po alam kung saan ako pupunta, hindi ko po alam kung kanino hihingi ng tulong," sabi ni Rose.

Habang naglalakad si Rose, nakita siya ng lalaking kaibigan ng kaniyang amo, at tinawagan ang employer, at sinundo siya.

Pero dahil nag-iiyak si Rose at marahil sa takot, dinala na siya ng lalaking employer sa agency nila sa Dammam.

Gayunman, nasa babaeng amo ni Rose ang kaniyang passport at iba pang travel documents.

"Ang plano ko po ay makauwi na ng Pilipinas bago niya ako abutan kasi baka siya ang pumatay sa akin," sabi ni Rose.

"Tulungan niyo po ako. Gusto ko po makita ang mga anak ko. Parang awa niyo na sir, ma'am," dagdag ni Rose.

Nakipag-ugnayan na ang GMA News sa Philippine Embassy sa Saudi Arabia, na nangako ng agarang aksiyon sa kalagayan ng OFW.

Nangako rin ang Philippine embassy sa Saudi na aaksyunan at bibigyan ng hustisya ang nangyari kay Rose, at kukunin ang kaniyang pasaporte at ipaliliwanag sa kaniya ang dapat gawin ayon sa batas sa Saudi.--Jamil Santos/FRJ, GMA News