Nahuli-cam ang ginawang pagsakal ng dalawang lalaki at sapilitang pagkuha sa cellphone at bag ng isang call center agent na nag-aabang ng masasakyan papasok sa trabaho sa Quezon City.
Quirino 3-A sa Quezon City. Ang isa sa mga salarin, sinakal pa ang biktima para hindi ito makapanlaban.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GTV "Balitanghali" nitong Huwebes, makikita ang pag-aabang ni John Angelo Paolo Palomique ng masasakyan sa Quirino 3-A dakong 5:30 a.m. nitong Lunes nang biglang huminto ang isang tricycle hindi kalayuan sa kaniya.
Dalawang lalaki ang bumaba mula sa tricycle at pinagtulungan na nilang agawin kay Palomique ang hawak nitong cellphone.
"Biglang may humatak ng kamay ko, nilakihan niya ako ng mata tapos biglang may sumakal na po sa akin na ganu'n. Hindi na ako nanlaban kasi mas inisip ko pa rin 'yung buhay ko. 'Yung mismong katabi ko roon, hiningian ko ng P20 para lang makauwi ako ng bahay," sabi ni Palomique.
Nakuha kay Palomique ang kaniyang cellphone at bag.
May nakatutok noon na CCTV ng barangay, pero nang respondehan ng mga awtoridad, hindi na nila naabutan ang mga suspek.
Pero pagkalipas ng ilang oras, nahuli agad ng pulisya ang isa sa mga kawatan, na kinilalang si Antonio Lonabella.
"Nakita 'yung suspek na driver doon sa getaway vehicle na gamit niya 'yung single na motorcycle," sabi ni Police Lieutenant Colonel Imelda Reyes, Commander ng Anonas Police ng QCPD.
Nakuha sa suspek ang company ID ng biktima pero hindi na nabawi pa ang ninakaw nilang bag at cellphone, ayon sa pulisya.
Isa pang suspek ang nahuli, samantalang dalawa ang pinaghahanap pa.--Jamil Santos/FRJ, GMA News