Isang 11-anyos na lalaki sa Marilao, Bulacan ang nasawi dahil sa rabies. Ang biktima, inilihim umano sa mga magulang na nakagat siya ng aso.
Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Poul Amber Bantillo.
Kuwento ng ama ng bata, "Hindi sinasabi sa amin. Nung sabi ng bata na kasama niya, noong pa raw nakaraang linggo [nakagat].
Ilang araw bago pumanaw ang bata, napansin daw ng pamilya na sumusuka si Poul, hindi makakain at hindi umiinom ng tubig, balisa at kinalaunan ay nag-lock na o nanigas na ang panga.
Pero nang tanungin daw nila ang bata, itinanggi pa rin niya nakagat siya ng aso.
Nakumpirma lang ang hinala nila nang dalhin nila sa ospital ang biktima.
Paglabas pa lang umano ng ambulasiya, nagtatakbo na ang bata. Doon ay nagkaroon na agad ng hinala ang mga duktor na na-rabies si Poul.
Nang ipasok sa ospital, itinali na si Poul dahil nagwawala na siya at isang oras makalipas nito ay pumanaw na siya.
Inaalam pa ng pamilya kung sino ang may-ari ng aso na nakakagat kay Poul.
Sa datos ng Department of Health, mahigit 200 ang namamatay dahil sa rabies sa Pilipins kada taon.--FRJ, GMA News