Mula nang maitampok sa "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang kuwento ng kaniyang buhay, unti-unti nang natutupad ng 10-taong-gulang na si Reymark ang kaniyang mga pangarap. Kabilang na rito ang makapiling na muli ang kaniyang ama.

Si Reymark ang batang kumurot sa puso ng marami nang makita siyang nag-aararo sa Sultan Kudarat, kasama ang kabayong si Rabanos.

Hiwalay na ang kaniyang ama't ina, at ang lolo't lola niya ang nag-aalaga sa kanila ng dalawa pang batang kapatid na mga babae. Kasama nila dapat ang kanilang ama pero nagtago ito nang maharap sa kaso dahil sa ilegal na pag-iingat ng baril.

Bumuhos ang tulong kina Reymark mula nang maitampok ang kaniyang kuwento kaya hindi na niya kailangang mag-araro muli.

Bukod sa pagbuhos ng tulong, bumisita at nakapiling din niyang muli ang kaniyang ina na mayroon nang ibang pamilya.

Nang dahil din sa pagkakatampok ng "KMJS" sa kuwento ni Reymark at pakiusap ng anak, sumuko sa mga awtoridad si Rene Boy, para harapin na ang kaso.

“Nasaktan talaga ako noong nakita ko siya na nag-aararo. Ayaw ko man talaga na magkaganyan siya, napabayaan ko sila. Ilang taon ko siya hindi nakasama. Sana mapatawad niya ako," anang ama.

"Kahit na hindi na-viral yung anak ko, hindi ako bumabalik sa mga tulong,” dagdag niya.

Ayon kay chief of police Felix Fornan,  bailable o puwedeng piyansahan ang kinakaharap na kaso ni Rene Boy na paglabag sa Section 28 of the Republic Act No. 10591.

“Nag-apply siya ng motion to reduce bail kasi si Rene Boy is one of the indigent citizens. Hindi pa siya tuluyang malaya kasi wala pa siyang order galing sa korte na siya is napawalang-sala. Sa ngayon, temporary liberty lang hanggang sa kung magbibigay ng desisyon ang ating husgado,” anang opisyal.

Tutulong naman kay Rene Boy, ang Public Attorney’s Office, sa pagharap sa kaniyang kaso.

Sinabi ni Reymark na March 2020 nang huli niyang nakita ang ama.

Natuto rin daw siya na mag-aararo dahil sa ama.

“Miss na miss na rin po dahil sa ibang bata po, naglalambing po sila ng kanilang tatay po. Ako po ay nanonood na lang po. Parang pini-feel ko na po na parang may nagyayakap po sa akin ang aking tatay,” ani Reymark.

Aminado naman si Rene Boy na dati siyang gumagamit ng droga pero matagal na umano niya itong tumigil at nagbago na.

Nagpapasalamat siya sa anak na hindi naman nagbago ang pagtingin sa kaniya.

Matapos na lumabas na negatibo ang COVID-19 test ni Rebe Boy, pinayagan na siyang puntahan ang kaniyang mga anak. Tunghayan sa video ang nakaaantig na pagkikita nilang muli ni Reymark.

Samantala, posibleng pag-usapan naman ng social welfare and development office ng Bagumbayan kung kaninong kostudiya dapat mapunta sina Reymark at kaniyang mga kapatid. Panoorin.

--FRJ, GMA News