Masasayang lamang ang ating "alat" at "liwanag" kung hindi natin ito gagamitin (Mateo 5:13-16).
Minsan ay nakakapanghinayang ipamigay na lamang ang isang medyo bago pang kasangkapan katulad ng TV, radyo, electric fan at iba pang appliances na kahit naluma na ay hindi naman masyadong nagamit.
Ganito ang mensahe sa atin ng Mabuting Balita (Mateo 5:13-16) patungkol sa kuwento ng Asin at Ilaw.
Inilalahad sa Pagbasa na tayong mga nilalang ng ating Panginoong Diyos ay mistulang mga Asin at Ilaw ng Sangkatauhan. (Mateo 5:13).
Ang alat mula sa asin ang nagbibigay ng lasa at sarap sa anumang putahe. Inihalintulad tayo sa asin sapagkat ang ating "alat" ay inilalarawan sa ating talino, talento, abilidad at kakayahan na biyaya ng Diyos.
Kung magagamit nang tama ang ating "alat," magiging kapaki-pakinabang tayo sa ating kapuwa katulad ng asin.
Ngunit ano ang silbi at pakinabang sa ating "alat" o talento kung hindi ginagamit at hindi napakikinabangan ng ating kapuwa. Sa madaling salita, wala itong silbi at ibinuburo lamang natin.
Gaya ng sinasabi sa Pagbasa na kung ang "Asin" ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli?" (Mateo 5:13).
Naglalarawan ito sa mga tao na sa kabila ng kanilang kakayahan, talento at talino ay walang pagsisikap na ginagawa para sa ikabubuti nila, at maging ng kanilang kapuwa.
Kaya sa halip na makapagbigay sila ng "alat" sa kanilang kapuwa ay nakukuntento na lamang sila na iburo at mawalan ng katuturan ang kanilang talino.
Ang wika nga ng iba: "Hindi na sila nakakatulong ay nakakaperwisyo pa sa kanilang kapuwa."
Inaanyayahan tayo ng Ebanghelyo na huwag natin iburo ang ating alat tulad sa isang Asin at sa halip ay gamitin natin ito para makapakinabangan ng ating kapuwa lalo na ngayong panahon ng pandemiya.
Gayundin naman sa ating buhay pananampalataya, inaanyayahan tayo na hayaan nating magningnging ang ating liwanag sa harap ng ibang tao upang makita nila ang ating mabubuting gawa. (Mateo 5:14-16)
Ang liwanag na natamo natin mula sa ating Panginoong Hesu-Kristo ay dapat magningning upang makita ng ating kapuwa ang kabutihan ng Diyos sa pamamagitan ng kabutihang gagawin natin para sa kanila.
Tayo ang mistulang kinatawan ni Hesus para sa mga taong namumuhay sa kadiliman o namumuhay sa kasalanan.
Sapagkat ang ating taglay na liwanag ang siya ring magpapaliwanag sa nadidiliman nilang isip. Ang mga kabutihang gagawin natin para sa kanila ang lamparang magbibigay liwanag sa kanilang madilim na pamumuhay.
Subalit kung hindi natin ilalantad ang ating liwanag. Masasayang lamang ang liwanag na ito at gaya ng inilalarawan sa Ebanghelyo. Ito ay parang inilagay lamang natin sa ilalim ng banga. (Mateo 5:15)
Manalangin Tayo: Panginoong Hesus, nawa'y tulungan Mo kaming makapagbigay ng alat at liwanag sa aming kapuwa. Sapagkat masasayang lamang ang mga biyayang ito kung hindi naman ito mapakikinabangan ng aming kapuwa. AMEN.
--FRJ, GMA News