Emosyonal na ikinuwento si Bearwin Meily kung paanong nakaapekto ang pinansiyal na problema sa desisyon nila ng pamilya na ibenta ang kanilang dream home.
Sa panayam sa kaniya ni Ogie Diaz sa YouTube channel ng talent manager, maluha-luhang inilahad ni Bearwin ang mga hirap na kaniyang pinagdadaanan kahit pa bago magsimula ang COVID-19 pandemic.
Una, sinabi ni Bearwin na matagal na rin siyang hindi nakagawa ng TV project.
"Bago pa man mag-pandemic, tinamaan na 'ko. Bago pa naman mag-pandemic, hindi na 'ko nabibigyan ng chance sa TV," sabi niya.
Inalala rin ni Bearwin nang hindi siya palarin na makuha ang posisyon ng pagiging konsehal sa Taytay, Rizal.
“Tumakbo akong konsehal dito sa Taytay. Hindi rin naman pinalad. So at first maghahagilap ka. Pero kapag wala ka nang aasahan dito, walang industriya, walang trabaho, hindi ka nanalo, so wala kang ibang kakapitan kung 'di ang Diyos,” sabi niya.
Dahil sa sitwasyon, napilitan si Bearwin na ibenta ang kanilang tahanan, na hindi niya na kayang mabayaran.
“You surrender in a sense na kahit hindi mo matanggap na ibenta mo 'yung bahay mo, ibebenta mo, e. Binenta namin 'yung bahay namin. One thing, wala kaming pambayad. Kesa maremata ng banko, binenta ko. So, nagre-rent na lang kami ngayon," dagdag ng komedyante.
Bagama't mas guminhawa ang kaniyang pakiramdam sa financial stress na dulot ng pagbabayad nito, sinabi naman ni Bearwin na naging mahirap sa kaniyang pamilya ang desisyon.
"Dream house namin 'yon. Nu'ng ginagawa 'yun, kasama 'yung mga anak ko, designing the house. Lahat 'yun... siyempre masakit 'yon," paglalahad niya.
Gayunman, sinabi ni Bearwin na hindi nawala ang kaniyang pananampalataya at nagpasalamat pa rin sa blessings na kaniyang natanggap.
"I always say: People will disappoint you, but God never will," saad niya.
"Hindi ka iiwanan ng Diyos. Kahit wala kang pera, magkakaroon ka pa rin ng kasiyahan, and sobarang happy ako kasi ang asawa ko, nagmamahalan kami, hindi kami nagkakaroon ng malaking problema, 'yung mga anak ko okay din," ayon sa aktor.--Jamil Santos/FRJ, GMA News