Sa halip na umalis at iligtas ang sarili nang malaman na may namamaril sa kaniyang pinagtatrabahuhan sa San Jose, California, pinili umano ng 42-anyos na Filipino-American na si Paul Megia, na manatili at sabihan ang mga kasamahan.
Walo katao ang nasawi sa nangyaring pamamaril sa light-rail yard ng commuter trains sa Santa Clara Valley Transportation Authority (VTA) noong nakaraang linggo.
Nagbaril naman sa sarili ang salarin, na nagtatrabaho rin sa VTA, nang dumating na ang mga awtoridad.
Bago ang trahedya, plano raw ni Megia, assistant superintendent sa VTA, na magbakasyon kasama ang mga anak sa Disneyland sa Memorial Day.
Ikinuwento ni Luci, kapatid ni Megia, sa People.com, na isang gabi bago ang nangyaring pamamaril, napag-usapan nila ang naturang plano na pagbabakasyon.
"The night before this happened, he was so happy and excited," ani Luci.
Plano rin daw ni Megia na maagang magretiro para makasama ng mas mahabang panahon ang kaniyang pamilya.
Isang GoFundMe page ang binuo ng pamilya para matustusan ang pag-aaral ng mga anak ni Megia.
Ayon sa mga ulat, nang malaman ni Megia na may namamaril sa kanilang pinagtatrabahuhan, sinabihan niya ang mga kasamahan para makapag-ingat.
"He didn't have to do that. But he did," ani Luci.
"He always just knew how to take charge and take control of the situation," patuloy ni Luci.
"My brother was a hero, and saved a lot of lives," sabi ni Luci dahil sa ginawa nito sa mga kasamahan sa trabaho.
Nadala pa sa ospital si Megia nang dumating ang mga awtoridad pero binawian din siya ng buhay dahil sa matinding tama ng bala na tinamo, ayon pa kay Luci.—FRJ,GMA News