Dalawang pulis at isang driver ang inaresto ng Quezon City Police District (QCPD) kaugnay sa pagkamatay ng isang pulis na unang inakala na nagbaril sa sarili.
Sa isang pahayag nitong Martes, kinilala ni QCPD director Police Brigadier General Antonio Yarra, ang mga suspek na sina Police Corporal Sherwin Rebot at Police Corporal Harold Mendoza at ang driver na si Lorenzo Lapay.
Kinilala naman ang biktima na si Police Corporal Higino Wayan, na nakatalaga sa Kamuning Police Station.
Una rito, sinabi ni Lapay na nagbaril sa sarili sa dibdib ang biktimang si Wayan gamit ang baril ng pulis na si Rebot, na nakalagay sa lamesa.
Nag-iinuman umano sila sa nirerentahang bahay sa Barangay Commonwealth nang mangyari ang insidente.
Pero sa pagpapatuloy na imbestigasyon QCPD’s Crime Investigation and Detection Unit (CIDU), umamin si Lapay kinalaunan na hindi nagbaril sa sarili si Wayan, sa halip ay binaril ito ni Rebot.
Nangyari umano ang pamamaril matapos na mauwi sa pagtatalo ang bunong-braso nina Wayan at Rebot, na natalo ang huli.
Nagpapahinga umano noon si Mendoza.
Isasailalim sa paraffin at drug test examination sa PNP Crime Laboratory Office sa Camp Crame ang mga suspek.
Mahaharap sa kasong administratibo ang dalawang pulis, bukod pa sa kasong kriminal na kasama ang driver.
Bukod sa kasong murder, kakasuhan din ng paglabag sa illegal possession of firearms and ammunition si Rebot dahil sa isa pang baril na nakita sa kaniya.--FRJ, GMA News