Babala sa mga may alagang aso, tiyakin na walang kuto o garapata ang mga fur babies na katabi sa pagtulog dahil baka mangyari sa inyo ang nangyari sa batang si Arndrei na pinasukan ng mga karapata sa tenga.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabing dumaing isang araw ang 11-anyos na si Arndrei nang may maramdaman siyang masakit at gumagapang sa kaniyang tenga.
Nang ilawan ng ina ang butas ng tenga ng anak, doon na nila nakita ang garapata.
Napag-alaman na may alagang aso si Arndrei at parang kapatid na ang turing niya rito na kasabay niya sa pagkain at katabi rin sa pagtulog.
Sa una, tinangka ng ina na sundutin ang garapata gamit ang cotton buds na may baby oil pero lalong sumiksik sa butas ang insekto.
Kaya naman dinala na sa ospital si Arndrei at doon dinukot ang malaking garapata na inabot ng isang oras bago naalis.
Pero ang akala nilang maayos na ang lahat, nalaman nilang mayroon pa palang isang garapata na nasa tenga ng bata nang samahan sila ng "KMJS" team na ipasuring muli si Arndrei.
Makuha pa kaya ang garapata sa pamamagitan pa rin ng pagsundot sa butas gayong nakita na malapit na sa eardrum ang insekto?
Tunghayan ang buong kuwento sa video ng "KMJS" at alamin ang mga dapat gawin kapag nangyari ito sa inyo. Panoorin.
--FRJ, GMA News