Bukod sa bilao na ginagawang pang-art display na ang presyo ay umaabot sa P15,000, mayroong iba pang gamit na tatak-Pinoy gaya ng walis tingting at bunot ang mabibili sa mas mahal na halaga sa ilang website sa abroad.
Sa ulat ni Rida Reyes sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, ipinakita ang ilang website sa Amerika na nag-aalok ng mga produktong Pinoy tulad ng walis tambo na $30.00 ang presyo o halos P1,500.
Mayroon ding ibinebentang walis tingting na P1,199.50 ang presyo; ang pamaypay, P778.21; ang bunot nasa $5.91 o katumbas ng P300.00; at mayroong ding bayong nasa mahigit P2,000 ang halaga.
Sa Quiapo kung saan mabibili ang naturang mga katulad na produkto, nakasaad na ang presyo ng walis tambo ay nasa P150 hanggang P250; ang bilao nasa P25 hanggang P45; ang bunot nasa P35; at ang pamaypay naman ay nasa P25 lang.
Ang gastos sa pagdadala ng mga naturang gamit pa-Amerika ang isa sa mga posibleng dahilan kaya magmahal ang presyo ng produkto kapag ibinenta na sa ibang bansa, ayon sa ulat.
Ang ilang nagtitinda sa Quiapo, sinabing sadya raw maganda ang kalidad ng mga produktong Pinoy.
Sa Abucay, Bataan na may mabibiling mga walis, inihayag ng mga nagtitinda na natutuwa sila na tinatangkilik sa ibang bansa ang mga naturang produktong Pinoy. --FRJ, GMA News