Karapatan ng bawa't isa na matagpuan at makilala si Hesus sa kanilang buhay (Marcos 11:27-33).
Minsan kapag sinabihan tayo ng ibang tao kung ano ang ating karapatan para gawin ang isang bagay, para bang sinabi nila na sila lang ang may karapatan dito sa ibabaw ng lupa.
Sa ating Mabuting Balita (Marcos 11:27-33), ganito ang naranasan ng ating Panginoong HesuKristo nang Siyang pumasok sa Jerusalem kasama ang Kaniyang mga Alagad. Habang naglalakad Siya sa patyo ng templo, nilapitan Siya at tinanong ng mga Punong Pari at Tagapagturo ng Kautusan, kung ano ang Kaniyang karapatan para gawin ang mga bagay na iyon? (Marcos 11:27-28).
Sa binitiwang pahayag ng mga Punong Pari at Tagapagturo ng Kautusan, tila ipinapahiwatig nila na sila lang ang matuwid at may karapatan sa lahat ng bagay dito sa ibabaw ng mundo.
Nangyari iyon matapos ipagtabuyan ni Hesus ang mga nagbebenta at namimili sa templo, at ipinagtataob Niya ang mga mesa ng mga namamalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng kalapati.
Winika Niya, “Hindi ba't nasusulat, ‘Ang aking tahanan ay tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa?’ Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw!”
Ngunit sa harap ng pagkuwestiyon ng mga Punong Pari at Tagapagturo ng Kautusan, malinaw ang mensaheng ipinararating ng Pagbasa--hindi sila nakahihigit kay Hesus.
Sa ating buhay dito sa mundo, nararanasan din ang ganitong mga pangyayari tungkol sa mga taong tila sila lang ang may karapatan. Tulad ng mga maimpluwensiya, mayayaman at malakas ang kapit sa mga may katungkulan o mataas na opisyal. Tila sila lang ang nabibigyan ng karapatan sa mga pribilehiyo, kaginhawahan at benepisyo.
Habang ang mga karaniwang mamamayan ay hirap na makamtan ang kanilang karapatan--na kung minsan kahit sa batas, maayos na pamumuhay at maging sa pananampalataya.
Mahirap na nga ang maging dukha ay lalo pang pinapahirap ng ilang mga tao na sa tingin nila ay walang karapatan mabuhay ang mga kapus-palad. Para bang ang mga salat sa buhay ay walang karapatang maging masaya, makapamuhay ng maayos at disente, at makilala ang Diyos.
Para bang ang may karapatan sa mga nabanggit na bagay ay para lamang sa mga taong may pera at impluwensiya.
Sa Ebanghelyo, maaaring kinukuwestiyon ng mga Punong Pari at Tagapagturo ng Kautusan si Hesus kung ano ang Kaniyang karapatan para magsabi kung ano ang mga ayaw ng Diyos, ang pagtuturo, pangangaral at panggagamot.
Karapatan ni Hesus na gawin ang mga bagay na ito dahil isinugo Siya mismo ng ating Amang nasa Langit para gawin ang mga nasabing bagay alang-alang sa mga tao.
Ipinapaalala sa ating Ebanghelyo ng karapatan ng lahat na madinig at matanggap ang mga aral at salita ng Diyos. Karapatan ng lahat na tanggapin ang Kaniyang pag-ibig, anumang ang kanilang paniniwala at relihiyon. Karapatan ng sinoman na ibahagi at ipakilala si Kristo Hesus sa bawat tao lalo na sa mga nawawalan ng pag-asa sa buhay.
Kasabay nito, nawa'y maging patas din ang lahat sa pagkakaloob ng karapatan ng bawat isa dito sa ibabaw ng lupa.
Manalangin Tayo: Panginoon, salamat po sa karapatan na ibinigay Mo sa amin upang Ikaw ay aming makilala at tanggapin sa aming buhay. Nawa'y maibahagi din namin ang karapatang ito para sa iba. AMEN
--FRJ, GMA News