Pag-aaralan kung maaaring unahin at bigyan ng partikular na brand ng COVID-19 vaccine ang mga Overseas Filipino workers (OFWs) at seafarers para sa kanilang pagtatrabaho sa ibang bansa.
Sa televised briefing ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Miyerkules ng gabi, sinabi ni Senador Bong Go, na pinapayagan sa ibang bansa ang pagpasok ng mga dayuhan sa kondisyon na bakunado na ito ng partikular na brand ng COVID-19 vaccine.
"May suggestion at napag-usapan na ito na yung procured na bakuna na not covered ng COVAX (facility) baka puwedeng mabigyan ng priority ang mga seafarers and OFWs," ayon kay Go, chairman ng Senate Health Committee.
"Unofficially na hindi tatanggapin sa ibang bansa, pagpasok nila doon, pero 'yon yung nagdadalawang-isip sila na magpabakuna ng ibang brand ng bakuna dahil 'di sila sigurado na tanggapin sa pupuntahang ibang bansa," dagdag ng senador.
Ayon naman kay Duterte, "When you begin to distribute ang mga bakuna and pipiliin mo yung tao, this is not really a matter where you're going."
Inaasahan na tatanggap na ang European Union ng mga sertipikasyon mula sa non-EU countries para sa mga papasok sa kanilang mga bansa.
Sisimulan na ang certificate trial bago tuluyan itong ipatupad sa EU countries upang matiyak ang seguridad laban sa mga mamemeke at maprotektahan ang data privacy.
Nagkasundo ang commission at parlamentaryo na ang brand na bakuna na aprubado ng European Medicines Agency ang kikilalanin sa sertipikasyon na itinurok na bibiyaheng tao sa kanilang bansa: ang BioNTech/Pfizer, Moderna, AstraZeneca at Johnson & Johnson.
Papayagan naman ang ibang bansa sa EU na magdagdag ng brand ng bakuna tulad sa Hungary at iba pang lugar na pinayagan ang paggamit ng Sputnik V ng Russia o ang isang bakuna na gawa sa China. —FRJ, GMA News