Problema sa paglunok ng pagkain at pagbaho ng hininga. Ilan lamang ito sa mga posibleng sintomas na may tonsil stones ang isang tao. Ano nga ba ang tonsil stones na mapanganib kapag pinisil sa lalamunan.
Sa programang "Pinoy MD," ipinakita ang isang video mula sa Irish vlogs habang tinatanggal ang tonsil stones sa lalamunan ng isang tao, na tila mga taghiyawat ang hitsura.
Ayon kay Ear, Nose, Throat (ENT) specialist na si Dr. Angeli Carlos-Hiceta, hindi dapat ginagawa ang pagpisil sa tonsil stones dahil baka ito matusok o makutkot na magresulta sa pagdurugo.
Ang tonsil stones o tonsilioliths ang matigas na nabubuong dumi sa uka-uka o crypts sa tonsil ng isang tao. Ito ang mga naipong debris, mucus, laway, bacteria at iba't iba pang dead cells sa bibig.
"'Yung mga kinakain ko po 'yung chocolate, malalamig kasi sobrang init po ng panahon na iyon eh," kuwento ni Jenelyn Toong, 29-anyos, na inakalang nana ang nakitang tonsil stones sa lalamunan.
Ayon pa kay Dr. Hiceta, maaari ding magkaroon ng tonsil stones ang isang tao mula sa chronic o recurrent tonsilitis, at iba pang infection sa bibig, oral cavity, at poor oral hygiene.
Nagreresulta ang tonsil stones sa pagbaho ng hininga o halitosis. Kung tuluyang lumaki, maaaring maapektuhan ang paghinga at paglunok ng isang tao.
Agad magpasuri sa doktor kapag nagkaroon ng tonsil stones, at pangalagaan ang oral hygiene para maiwasan sa komplikasyon ang mga ito.
Panoorin sa video ang buong talakayan. --FRJ, GMA News