Sa loob ng 26 na taon, halos araw-araw na napapanood sa "Eat Bulaga" bilang co-host ng longest running noontime show si Allan K. Paano nga ba nagsimula ang pagiging Dabarkads ng komedyante?
Sa programang "Tunay Na Buhay," binalikan ni Allan ang kaniyang pinakaunang portion sa "Eat Bulaga" na "Allan Knows Best!" kung saan tumatawag siya ang homeviewers para humingi ng payo kay Allan tungkol sa kanilang mga problema.
Nagsimula ang professional singing career ni Allan nang sumali siya sa banda pagka-graduate ng high school, at kumanta sa mga bar sa Bacolod.
Taong 1984 nang lumuwas si Allan sa Maynila at nagtrabaho sa sing-along bars bilang isang singer at stand-up comedian.
Kuwento ni Allan, naipakilala siya sa Eat Bulaga nang may magtanong na reporter sa isang press con noon ng programa.
"Bago sila lumipat ng channel 7, nag-press con sila to announce na lilipat na nga sila talaga. Tapos in the course of the press con may isang reporter na nagtanong na tambay ng The Library (comedy bar sa Malate), 'May bago po ba kayong i-i-introduce na talent?'"
"Sabi niya, 'Narinig niyo na po ba 'yung Allan K?' Hindi alam ni Mr. Tuviera 'yung mga anak niya tambay ng The Library. So 'yun, that same night after press con, tinawagan nila 'yung The Library at nagpunta sila," dagdag ng komedyante.
Aminado naman si Allan na malaki ang naitulong ng "Eat Bulaga" sa pagdating ng iba pang mga oportunidad sa kaniya.--FRJ, GMA News