Sa gitna ng mas lumalala pang problema sa nutrisyon at kalusugan ng mga Pilipino, isang pamilya ang pinagkakasiya ang isang piraso ng isda para maibsan ang kanilang gutom sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ni Lilian Tiburcio sa Stand For Truth, itinampok ang pamilya ng mangangalakal na si Mang Manuel Tausa ng Tondo, Maynila, na pinagkakasiya ang maliit niyang kita para sa anim niyang anak.
Bigas muna ang inuuna nilang bilhin, bago ang itlog, bagoong, tuyo at gulay para makatipid.
"Sinasabi ko lang, magtiis tayo kasi 'yan lang ang abot-kaya ko eh. Hindi naman tayo puwedeng magnakaw, huhulihin din tayo," saad niya.
Underweight o hindi sapat ang timbang sa edad ang isa nilang anak kaya matiyagang pumipila si nanay Rosemarie sa feeding program.
Sa kanilang paghahati sa isang pritong isda na bigay ng kanilang kapitbahay, pinauna muna ni Mang Manuel na kumain ang kaniyang mga anak.
Hindi lang ang pamilya ni Mang Manuel ang nahaharap sa problema tungkol sa kakulangan ng makakain.
Si Abegail Molito ng Infanta, Quezon, anim din ang anak at hindi sapat ang mga timbang para sa kanilang edad.
Ang isang taong gulang niyang anak, may timbang ng tatlong buwang gulang na sanggol lamang.
Ang dalawang taong gulang naman niyang anak, nanghingi na lamang ng pagkain sa kapitbahay dahil hindi pa nag-aagahan.
"Minsan nakakakain din kami, minsan wala. Minsan sa isang araw na hindi na kami nakakakain, umiiyak lang ako tapos dinadasal ko lang din na sana may taong tumulong sa amin," sabi ni Abegail, na buntis sa pang-anim niyang anak.
Pinoproblema rin ng kaniyang pamilya ang kanilang renta sa bahay na P1,000 kada buwan at pinalalayas pa sila dahil mahigit isang taon na silang hindi nakakapagbayad.
Ayon sa datos ng DOST-FNRI noong 2019, nasa 5.8% o 600,000 ang mga batang limang taong gulang at pababa na biktima ng Acute malnourishment, nasa 19% o 2.1 milyon ang underweight, at nasa 28.8% o 3.2 milyon ang may stunted growth o may pagkabansot.
Ang problema sa gutom at malnutrisyon, mas pinalala pa ng COVID-19 pandemic.
Tunghayan ang buong ulat sa video kung ano ang mga ginagawang hakbang ng gobyerno para matugunan ang problema ng involuntary hunger sa Pilipinas. --FRJ, GMA News