Sa "Sumbungan Ng Bayan," isang netizen ang humingi ng payo kung dapat bang makatanggap ng separation pay ang isang empleyadong nagtrabaho ng anim hanggang 10 taon o mahigit pa.
Ayon kay Atty. Fatima Parahiman ng Initiatives for Dialogue and Empowerment through Alternative Legal Services (IDEALS Inc.), hindi sa lahat ng pagkakataon ay may obligasyon ang kompanya na magbigay ng separation pay kapag natapos ang employment ng isang kawani.
Kung resignation o pagbibitiw ang dahilan ng pagtatapos ng employment ng empleyado, hindi siya makatatanggap ng separation pay, ayon sa batas.
Maliban na lamang kung mayroong sariling patakaran ang kompanya na magbibigay pa rin ng separation pay kahit pa nag-resign ang kaniyang empleyado.
Dagdag naman ni Atty. Mack Bunagan, mula rin sa IDEALS Inc., iba ang retirement pay sa separation pay, dahil ang retirement pay ay nakadepende sa edad ng serbisyo ng empleyado, at hindi sa kung gaano katagal ang kaniyang serbisyo.
Panoorin sa video ng "Sumbungan ng Bayan" ang buong talakayan tungkol sa separation pay ng mga empleyado sa gitna ng pandemya.--FRJ, GMA News