Malayo na ang narating ng singer-actress na si Frencheska Farr matapos na tanghaling bilang Outstanding Dramatic Actress sa The Micheaux Film Festival na ginanap sa Los Angeles, California para pagganap niya sa short film na “Harana.”
Sa Instagram, nag-post si Frencheska ng larawan na hawak ang kaniyang tropeo.
Inilaan niya ang kaniyang panalo sa lahat ng “Filipino people and everyone fighting the good fight.”
Nagpasalamat din si Frencheska sa grupong nasa likod ng “Harana,” mga kaibigan, kapamilya at sa mga nagmamahal at sumusuporta sa kaniya.
Ang "Harana" na idinirek ni Marie Jamora, ay kuwento ng isang Pinay singer sa Las Vegas, at nangungulila sa kaniyang anak na nasa Pilipinas.
Naglalarawan ito ng kuwento ng mga Filipinong nagtatrabaho sa Amerika.
Nakamit ng "Harana" ang pagkilala sa kategoryang Outstanding Music.
“Thank you to @micheauxfilmfest for this recognition,” saad ni Frenchesca sa post.
“(It) really means so much for me to be able to share our stories and not only to be able to move people through our art, but also to spark change for the betterment of all,” patuloy niya.
Nagpasalamat din si Direk Marie sa kaniyang "Harana" family, kabilang sina Modulogeek, Jazz Nicolas ng Itchyworms, at Mikey Amistoso ng Ciudad, na tumulong para sa award-winning sound ng pelikula.
"Thanks to the Micheaux film festival and their programmers for recognizing our film and helping us share the story of the #OFW experience. I want to also acknowledge the rest of the Harana cast, crew, crowdfunders, supporters, and friends. Inuman na!" saad niya sa post. —FRJ, GMA News