Kung magpapatuloy ang panganib sa COVID-19 pandemic, inaasahan na mababago ang ilang sistema sa Eleksiyon 2022. Kabilang dito ang tagal ng botohan at maging ang paraan ng pangangampanya.
Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez Jr., na kailangan magkaroon ng panuntunan ang Commission on Elections (Comelec) sa paraan ng pangangampanya at pagdaraos ng halalan para maiwasan ang hawahan sa halalan.
“So nakita natin ‘yung experience ng US nung nagkaroon sila ng election. At the same time, ngayon, ongoing ‘yung campaigning ng India, nakita natin nag-doble ang kanilang mutations [sa virus]. I think we have to prepare for that,” ayon kay Galvez.
Nakararanas ngayon ng tinatawag na "COVID-19 storm" ang India dahil sa dami ng mga nagpopositibo sa virus bawat araw na umaabot sa 300,000.
Bukod sa mas nakahahawa umano ang bagong uri ng virus, itinuturo ding dahilan ng pagtaas ng daily infections sa India ang pagluwag sa kanilang bansa. Kabilang dito ang pangangampanya para sa halalan, pagdaraos ng religious gathering at maging sa sport events.
Tiniyak naman ni Comelec spokesperson James Jimenez, na tuloy ang eleksiyon sa May 2022 kung saan kabilang sa mga ihahalal ang bagong pangulo, bise presidente at 12 senador.
“‘Yung elections were set by the Constitution itself, right? Meaning to say, kung gusto mo i-reset ‘yung elections, kailangan i-amend mo ‘yung Constitution. And para ma-amend ‘yung Constitution kailangan mo ng plebesito to ratify the amendment,” paliwanag ni Jimenez.
“So mag-e-eleksyon ka para ma-postpone ‘yung eleksyon. So kalokohan ‘yun,” dagdag niya.
Ayon sa ulat, sa kabila ng nararanasang pandemic sa mundo, mahigit 100 bansa na umano ang nakapagsagawa ng halalan--kabilang na ang Amerika.
Sinabi ni Jimenez, na may sapat na panahon ang Comelec para paghandaan ang halalan sa May 2022, at maaaring gayahin ng Pilipinas ang ibang paraan na ginawa ng ibang bansa sa pagdaraos nila ng halalan.
“We have so much time to prepare for it. Kitang-kita natin na kayang gawin ng safe ‘yung elections,” ani Jimenez.
Bagaman posible pa rin umanong payagan ang face-to-face campaign ng mga kandidato, sinabi ni Jimenez na kailangan magkaroon ng limit sa mga taong dadalo at ipagbabawal ang mga pagkain.
“In-person pa rin siya, number one. Number two, schools pa rin ang pinaka-obvious. Pangatlo, ‘yung one day, marami siguro nakakabit na issue diyan, eh. So ‘yon ‘yung kailangan natin i-settle within the next few months,” pahayag niya.
Sa ngayon, sinabi ni Jimenez na hindi puwedeng gawin ang mail at electronic voting sa Pilipinas, at posibleng madagdagan ang oras ng botohan para maiwasan ang pagdagsa ng mga tao sa presinto.--FRJ, GMA News