Naantig ang maraming netizens sa post ng isang batang lalaki na natuwa sa inihandang spaghetti ng ina kahit na bumabagyo. Pero may mas malalim pa palang kuwento sa likod ng spaghetti tungkol sa mabuti nilang padre de pamilya na pumanaw na at siyang laging naghahanda ng spaghetti sa pamilya.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabing marami ang naantig sa viral post ni Delio, tungkol sa spaghetti na inihanda sa kaniya ng kaniyang ina para sa kaniyang ika-13 kaarawan.
Napag-alaman kasi na bukod sa bumabagyo noon, P300 na lang pala ang natitirang pera ng kaniyang ina para ipambili ng hinihiling na spaghetti ni Delio, tubong Cabucgayan, Biliran.
“Kahit malakas ang ulan, lumabas po ako para lang bumili ng pansahog ng spaghetti,” kuwento ni Rhea, ina ni Delio, isang public school teacher.
Dahil kapos na sa pera, hindi na nalagyan ni Rhea ng giniling na karne ang spaghetti at niliitan na rin lang niya ang hiwa sa hotdog para dumami.
“Masaya ako kahit may bagyo dahil nakapagluto ng spaghetti si mama at nabigyan ang kaibigan ko. Kuntento na ako sa spaghetti. Salamat, mama, masaya na ako sa spaghetti. Mama, I love you!” ayon kay Delio.
Ngunit bukod sa handa sa kaniyang kaarawan, nagpapaalala rin pala sa pamilya ni Delio ang spaghetti sa kanilang mabuting padre de pamilya na pumanaw noong Abril 2 dahil sa heart attack.
Ang kanilang padre de pamilya pala ang laging nagluluto sa kanila ng spaghetti at recipe niya ang ginawa ng kaniyang ina sa paghahanda nito.
Naiiyak na ikinuwento ni Rhea, kung gaano kahirap sa kaniya ang pagkawala ng asawa.
“Sobrang hirap dahil wala akong katuwang kasi pagdating namin sa bahay, meron na kaming pagkain. Pagdating ko, kumpleto na, kakain na lang ako,” saad niya.
Dahil sa nangyari sa asawa, nagkaroon din sila ng mga pagkakautang. Kaya naman maituturing "luho" na sa kanila ang araw na magluto siya ng speghetti para sa kaarawan ng anak.
Naiwan din kay Rhea ang 28-anyos na anak na babae na si Glydel, na may cerebral palsy.
Hindi rin mapigilan ni Delio na maiyak sa pag-aalaala sa ama na labis na niyang nami-miss at unang kaarawan niya na hindi na kasama ang ama.
Nangako siya na mag-aaral nang mabuti at magiging mabuting anak at kapatid.
Nang maging viral ang post ni Delio, dumagsa ang tulong para sa kaniya at sa pamilya. May nagbigay pa ng cake at tablet na gamit niya sa pag-aaral.
“Salamat sa ibinigay ninyo sa amin ni Mama. Ipambili namin ng kandila para kay Papa,” ayon kay Delio.
– FRJ, GMA News