Si Hesus ang Mabuting Pastol (Juan 10:1-18).
Kapag ang manliligaw ay sa bahay dinadalaw ang kaniyang nililigawan at handang makaharap ang mga magulang nito, malaki ang posibilidad na malinis ang hangarin niya sa kaniyang nililiyag.
Sa ating Mabuting Balita (Juan 10:1-18), binigyang diin ng ating Panginoong HesuKristo na siya ang Mabuting Pastol sapagkat iniaalay ng Mabuting Pastol ang Kaniyang buhay para sa Kaniyang mga tupa. (Juan 10:11)
Ipinahayag din ni Hesus sa ating Pagbasa na ang pumapasok sa kulungan ng mga tupa nang hindi sa pinto nagdaraan, kundi umaakyat sa hindi dapat pagdaanan ay magnanakaw at tulisan. (Juan 10:1).
Maihahalintulad ito sa isang manliligaw na kapag sa labas ng bahay gustong makita o puntahan ang dilag ay posibleng hindi malinis ang kaniyang hangarin.
Kung talagang malinis kasi ang hangarin ng lalaki, dapat sa bahay niya pupuntahan ang babae para makilala niya at makita siya ng mga magulang ng babae.
Mahalaga na makikilala siya ng mga magulang ng babae at maipakita niya na malinis ang kaniyang intensiyon sa anak.
Ipinapaliwanag ni Hesus na Siya ang Mabuting Pastol dahil kapag nailabas na Niya ang Kaniyang mga tupa mula sa kanilang kawan, Siya ay nangunguna sa mga tupa at susunod ang mga ito sapagkat makikilala nila ang Kaniyang tinig (Juan 10:4).
Pinatutunayan lamang ni Jesus sa Ebanghelyo na ang sinomang sumapalataya sa Kaniya ay hinding-hindi kailanman mapapariwara at maliligaw.
Bilang isang Mabuting Pastol, malinis ang harangarin para sa atin ng Panginoong Hesus upang tayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan at makapiling natin Siya sa Kaniyang kaharian.
Ang isa sa pinaka-solidong katibayan na tunay ngang Mabuting Pastol si Kristo ay nang ialay Niya ang Kaniyang buhay para sa atin na Kaniyang mga tupa (Juan 10:11).
Hindi na tayo dapat magduda at mag-alinlangan sapagkat ang sinomang pumasok sa pintuan ni Hesus o magsisi at magbalik-loob sa Kaniya ay siguradong makakatagpo ng pastulan (Juan 10:9).
Mas gugustuhin mo pa bang manatili sa paggawa ng kasalanan subalit sa kalaunan ay ikipapahamak naman ng iyong kaluluwa? Gayung kung ikaw ay makikipag-isa kay Hesus, nakakatiyak ka na ikaw ay nasa mabuting kamay sapagkat ang nangangalaga sa iyo ay isang Mabuting Pastol.
Manalangin Tayo: Panginoon Hesus, nagpapasalamat po kami sa pag-iingat Mo sa akin gaya ng isang Mabuting Pastol. Nawa'y maging Mabuting Pastol din kami para sa iba. AMEN.
--FRJ, GMA News