Ang mga damit pambahay na hindi gaanong pinagtutuunan ng pansin ng karamihan, naging daan para umasenso ang isang may-ari ng clothing line na kumikita na ngayon ng aabot sa P400,000 kada linggo. Paano niya nagawa mula sa P20,000 na puhunan? Panoorin.
Sa programang “Pera Paraan,” inalala ni Macy Lualhati, may-ari ng “Pambahaymnl,” ang hirap na pinagdaanan ng kaniyang pamilya noong bata pa siya. Kabilang dito ang kawalan ng pambayad sa kaniyang matrikula, pati na rin ng kaniyang pambaon.
Nang magkolehiyo, nagsumikap si Macy na maging isang dean's lister at scholar. Pero nung nasa 2nd year college na, nabuntis siya.
Gayunman, hindi ito naging hadlang para makapagtapos siya ng pag-aaral.
"Siguro po nasanay lang din po ako kung ano 'yung meron kami. Sabi ko, 'Kung gusto mo naman, may magagawa ka eh. Hindi komo pinanganak kang mahirap, mamamatay kang mahirap, nasa sa'yo 'yon.' Lagi ko ring iniisip na one day, maibabangon ko ang pamilya ko," sabi ni Macy.
Sa puhunang P2,000, naisipang mag-online selling ni Macy ng mga tinda sa Taytay tiangge noong 2015. Nang umasenso at magkaroon siya ng sariling makina at mananahi, nag-resign siya sa trabaho at ipinampuhunan ang naipundar na P100K sa pagtatahi.
Sa pagiging supplier ng isang online shop, ang dating isa niyang mananahi, naging 12 at kumikita sila ng P50,000 kada linggo.
Ngunit dumaan ang pagsubok dahil sa COVID-19 pandemic at panandalian silang nawalan ng kliyente at unti-unting nawala ang kaniyang mga mananahi.
Ang mga walang mapuntahan na trabahador na nanatili sa kaniya, hinanapan niya ng paraan na kumita sa pamamagitan ng paggawa ng face mask na gawa sa tela.
Sandali rin siyang nagbakasakali sa paggawa ng PPE pero natigil din nang dumami na ang gumagawa nito.
Nang tumagal pa ang quarantine, lumapit sa kaniya ang iba pang dating trabahador na naghahanap na ng pagkakakitaan.
Dahil hindi niya kayang pabayaan ang mga ito, nagbakasali siyang magtahi muli ng mga damit kahit wala pa siyang naiisip kung papaano ibebenta.
At sa natitirang P20,000 na savings, ginawan nila ng terno sa pang-itaas ang mga nakatambak na shorts, at ipinanganak noong Agosto 2020 ang clothing line na “Pambahaymnl.”
Ang isinugal ni Macy na puhunang P20,000, naging P300,000 hanggang P400K na kada linggo ang kita. Dahil dito, nakapagpundar na rin ang kaniyang mga mananahi at natupad ang kanilang mga pangarap.
Sa ngayon, tumatanggap ang negosyo ni Macy ng mga distributor at reseller.
"Sipagan niyo lang tsaka tiwala lang sa sarili, maraming paraan. If there's a will there's a way," sabi ni Macy.
Tunghayan at gawing inspirasyon ang kuwento ni Macy sa video sa itaas.-- FRJ, GMA News