"Wag niyo na pong idagdag [ang] puwet niyo sa iniisip ko." Ito ang kakaibang pakiusap si Pasig Mayor Vico Sotto sa mga nagpapadala sa kaniya ng larawan sa social media na nagpapabakuna sa puwet ng COVID-19 vaccine.

Sa Facebook live ng alkalde, ikinatuwa naman niya ang pagpapadala ng kaniyang mga kababayan sa Pasig ng larawan na nagpaturok na ng COVID-19 vaccine sa braso.

"Minsan kasi kapag may tattoo, bawal magpaturok sa braso. Hindi puwede sa tattoo side magpa-injection, so minsan may nagpapadala sa'kin, nakadalawa na ata, picture nila na nabakunahan sa puwet," kuwento ni Sotto.

"Okay lang naman mabakunahan sa puwet. Normal 'yan, medical naman ang usapan e pero pakiusap, 'wag ninyo na po i-send sa akin," sabi pa niya.

Dugtong pa ng alkalde na napapangiti pa rin sa video, "Ang dami ko na po iniisip, 'wag niyo na pong idagdag [ang] puwet niyo sa iniisip ko."

Kasabay nito, umapela rin ang alkalde sa kaniyang mga kababayan sa Pasig na sundin ang kanilang schedule sa pagbabakuna at hindi pinapayagan ang walk-in, o basta na lamang pupunta sa lugar.

"Maganda ang sistema, hindi nagkukumpulan. 'Yan ang importante, kasi pupunta nga tayo sa vaccination site, nagkukumpulan pa tayo baka 'dun pa tayo magkahawaan," paliwanag niya.

Ayon sa Pasig Public Information Office, ang mga babakuhan ay makatatanggap ng text message sa kanilang schedule ng bakuna.--FRJ, GMA News