Hindi nakalusot sa mga tauhan ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang taktika ng isang lalaki na nagpapanggap na bumbero para hindi maharang sa checkpoint at mai-deliver ang mga tindang face mask at face shield.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, kinilala ang lalaki na si Konsulyano Padilla, na naharang ng mga tauhan ng PNP-HPG sa checkpoint sa NLEX at planong pumasok sa Metro Manila.
Nang tanungin, nagpakilala umano si Padilla na miyembro ng Bureau and Fire Protection (BFP) at nagmomonitor lang umano sa lugar habang sakay ng SUV at nakasuot ng t-shirt na may nakalagay na BFP.
Pero nang magsagawa ng beripikasyon ang PNP-HPG sa ipinakitang ID, doon na nabistong hindi miyembro ng BFP si Padilla.
“Nakauniporme siya ng pang-itaas at prinesent niya ang kanyang ID ng Bureau of Fire,” ayon kay PNP-HPG Commander Police Captain Erwin Casil.
“Naobserbahan namin na malabo at mayroon siyang binura doon sa designated ID na dapat namin makita,” dagdag nito.
Nang buksan ang likod ng SUV, nakita ang kahon-kahon na face masks at face shields na plano raw sanang ideliver ni Padilla.
Hindi nagbigay ng pahayag si Padilla pero inamin daw nito sa PNP-HPG na nagpapanggap siyang tauhan ng BFP para madaling makapunta sa iba't ibang lugar habang umiiral ang enhanced community quarantine sa Metro Manila at kalapit na lalawigan, kasama ang Bulacan.
Sasampahan sa piskalya ng reklamong usurpation of authority at paglabag sa quarantine si Padilla.--FRJ, GMA News.