Ang muling pagkabuhay ni Hesus ay isang mensahe na hindi natatapos sa kamatayan ang takbo ng buhay (Lucas 24:1-12).
MAHIRAP para sa sinoman sa atin ang makabangon kapag ang isang mahal natin sa buhay ay pumanaw. Lalo na kung ang taong ito ay malapit sa atin. Minsan ay inaabot ng maraming taon bago tayo tuluyang maka-move on dahil sa kaniyang pagkawala.
Ang muling pagkabuhay ng ating Panginoong HesuKristo na tampok ngayon sa ating Mabuting Balita (Lucas 24:1-12) ay isang paalala na hindi dapat matapos sa kamatayan ang takbo ng ating buhay, at lalong hindi dapat tayo malunod sa labis na kalungkutan.
Alalahanin natin na dapat tayong magpatuloy sa ating paglalakbay sa mundong kahit pa may mahal tayo sa buhay na lumisan na, at kapiling na ngayon ng Amang Lumikha. Tayo na kanilang naiwan, life must go on. Dapat ituloy natin ang ating buhay na ikalulugod ng Diyos at ng taong nagmamahal sa atin.
Ang muling pagkabuhay ni Hesus ay naghahatid ng maliwanag na mensahe na hindi natatapos sa mapait na karanasan ang lahat ng bagay dito sa mundo.
Ang lahat ay may pag-asa gaano man kakomplikado at kasalimuot ang isang sitwasyon. Dahil sa bandang huli ay makakamit natin ang kapayapaan--hindi lang para sa atin kung hindi maging sa mahal natin sa buhay na wala na.
Matapos dumanas si Hesus nang matinding pagpapahirap, pumanaw Siya pero muling nabuhay pagkaraan ng tatlong araw. At gaya ng Kaniyang sinabi sa mga punong Pari at tagapagturo ng Kautusan, muli Niyang itatayo ang templo sa ikatlong araw.
Napagtagumpayan ni Hesus ang kamatayan at ang Kaniyang muling pagkabuhay ay isang maliwanag na kaganapan ng Kaniyang ipinangako.
Hindi winakasan ng kamatayan ni Hesus ang Kaniyang misyon sa lupa. Sapagkat matapos Siyang umakyat sa langit kapiling ng Ama, itinuloy ng Kaniyang mga Disipulo ang pagpapalaganap sa Salita ng Diyos sa mga tao.
Ang muling pagkabuhay ni Hesus ay simbulo rin ng bagong pag-asa. Simula ng bagong buhay, at simula ng bagong umaga.
Kaya huwag panghinaan ng loob kung nahaharap sa mga pagsubok sa buhay. Dahil tulad ng gabi, lilipas din ang dilim at sisikat ang bukang-liwayway.
Alalahanin lamang natin na kailangan natin na patuloy na lumaban sa mga pagsubok, manalig at humingi ng awa sa Panginoon. Hindi Niya tayo bibigyan ng mga alalahanin na hindi natin kakayanin.
Kung ang mga nagkakamali ay binibigyan ng Panginoon ng panibagong pagkakataon, ikaw pa kayang kahit kailan ay hindi bumitaw ng pananalig sa Kaniya?
Manalangin Tayo: Panginoon namin. Nawa'y tulungan Mo po kami na huwag kaming kainin ng labis na kalungkutan dahil sa mga problemang kinakaharap namin. Sa halip ay bigyan Mo po kami ng katatagan para magpatuloy sa aming buhay sa kabila ng mga pagsubok na aming kinakaharap. AMEN.
--FRJ, GMA News