Ang ating Panginoong HesuKristo ay naging biktima rin ng kawalan ng katarungan sa lupa (Marcos 14:60-64).
Marami sa mga nakabilanggo ang masasabi natin na kaya lamang nakulong ay dahil biktima sila ng masamang pagkakataon at kawalan ng katarungan sa ating lipunan.
Kahit ang ating Panginoong HesuKristo ay naging biktima rin ng maling paratang at kawalan ng katarungan noong Siya'y nagkatawang-tao para sagipin tayo sa ating mga kasalanan.
Hindi lamang Siya pinagkaitan ng hustisya para ipagtanggol ang Kaniyang mga gawain bilang Sugo ng Diyos Ama, inakusahan pa Siya ng mga kasalanan na wala namang matibay na basehan.
Sa ating Mabuting Balita (Marcos 14:60-65), matutunghayan kung paano nilibak ang Panginoong Hesus sa harap ng Sanedrin. Pinagkaitan pa Siya ng hustisya ng pinakapunong pari na nagsabing kakailanganin pa ba ng mga saksi laban kay Kristo?
Pagkatapos nito ay nagkaisa ang lahat ng mga naroroon sa Sanedrin na hatulan ng kamatayan si Hesus kaya Siya'y sinimulan nilang pahirapan, alipustahin, at sinaktan.
Marami sa kasalukuyan ang katulad ni HesuKristo na biktima ng kawalan ng hustisya dahil sa kakapusan sa pananalapi para makakuha ng mahusay na abogado na magtatanggol sa kanila.
Hindi katulad ng ilang masalapi at maipluwensiya na kayang kumuha ng mahusay na abogado at koneksiyon ay nagagawa pang baluktutin ang katotohanan. Sila'y napapawalang-sala, samantalang ang mga mahihirap na inosente ang nasesentensiyahan.
Kahit ang Panginoong Hesus ang Siyang "Hukom ng Sangkatauhan," mas pinili pa rin Niyang tanggapin na Siya'y litisin, yurakan at paslangin dahil batid Niya na iyon ang nakatakdang mangyari.
Si Hesus na tanging walang sala sa daigdig ay piniling magsawalang-kibo sa kabila ng kawalan ng katarungan at kawalan ng basehan sa mga inaakusa sa kaniya ng mga tao sa Sanedrin.
Nawa'y huwag nating kalimutan ang ginawang pagsasakripisyo ni Hesus upang sagipin tayong mga makasalanan. Alalahanin sana natin ito sa lahat ng panahon, at hindi lamang sa tuwing panahon ng Semana Santa.
Maging paalala rin sana ito na huwag tayong maging mapanghusga agad at pairalin ang katarungan sa ating kapuwa. Dahil sa huli, batid natin na ang Panginoon lamang ang Siyang huhusga o hahatol sa atin pagdating ng takdang panahon na tayo'y haharap na sa Kaniya.
Manalangin Tayo: Panginoong Hesus, tulungan Mo sana ang mga taong walang kakayahang maipagtanggol ang kanilang sarili dahil sa kanilang kahirapan at mga taong walang tinig sa lipunan. Nawa'y patnubayan mo ang mga taong ito na nagdurusa dahil wala silang inaasahan kundi ang Iyong awa. AMEN.
--FRJ, GMA News