Inihayag ni Gregorio de Guzman, anak ng OPM icon na si Claire dela Fuente, na naghihintay na ma-admit sa ospital ang kaniyang ina na nagpositibo sa COVID-19, ilang araw bago ito pumanaw sa cardiac arrest.
Sa ulat ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ni Gregorio na matapos na magpositibo sa COVID-19 ang kaniyang ina at bumababa ang kaniyang oxygen level, nagpayo ang doktor na pumunta na sa ospital si Claire nitong Lunes.
"She was waiting to be admitted actually sa Las Piñas Doctors Hospital, she was using a tent. But yesterday the doctor felt na she need to addressed already, ilipat siya sa Pope John Paul Hospital in Las Piñas, near the hospital," sabi ni Gregorio.
Sinabi ni Gregorio na nasa tent na ng Las Piñas Doctors Hospital ang kaniyang ina noong Sabado pa lamang.
Pero dumating ang Lunes, hindi pa rin umano na-admit si Claire at kinailangang ilipat ng ospital.
Nakausap pa ni Gregorio ang kaniyang ina noong Lunes ng gabi.
"Kasi nagpapa-order siya sa akin ng pagkain, 'yun lang. And then I tried calling her around between 9 and 10 pm but she didn't want to talk because hinihingal na raw siya. Unfortunately 'yun nga, in her sleep, her heart gave out and they tried to revive her but hindi na talaga kaya," sabi niya.
Sa emergency room ng Pope John Paul Hospital pumanaw si Claire.
Ayon sa ulat, ang nangyari kay Claire ay salamin ng sitwasyon sa mga ospital ngayong may COVID-19 pandemic.
Pumanaw sa edad 63 ang OPM singer ngayong Martes ng umaga dahil sa cardiac arrest.
Sa kasalukuyan, plano ng mga anak ni Claire na magkaroon ng virtual wake para sa kanilang ina.
DALAMHATI NI IMELDA
Ipinagluksa ng showbiz industry ang pagkamatay ni Claire, na isa sa mga jukebox queen ng Pilipinas kasama si Imelda Papin at Eva Eugenio.
"Sa aming tatlo, si Eva at ako, siya (Claire) ang pinakamalakas ang loob. Kaya hindi ko akalain na isang malakas na katawan tatamaan ng COVID," ani Imelda.
"Kaya, mare I'll miss you. I want you to know that we're here, we love you and especially 'yung inaanako mo si Mafi. Until now I'm really shocked dahil hindi ko akalain na iiwanan mo na kami," patuloy niya.
"Isa na namang nawala sa ating industriya, isang legend pagdating sa music industry na nagbigay sa inyo, sa ating lahat ng kasiyahan," dagdag pa ni Imelda.
Parehong nagpositibo sina Claire at ang anak niyang si Gregorio. --Jamil Santos/FRJ, GMA News