Sa programang "Pinoy MD," inihayag ng resident doctor na si Dr. Raul Quillamor, ang ilang palatandaan na maaaring mayroong polycystic ovary syndrome o PCOS ang isang babae.
Ayon kay Quillamor, OB-Gynecologist, karaniwang overweight ang mga may PCOS. Gayunman, mayroon din mga babae na hindi kalakihan ang pangangatawan ang maaaring magka-PCOS pero mas karaniwan nito ang mga babaeng mabigat ang timbang.
Kasama rin umano sa palatandaan ng PCOS ang pagkakaroon ng abnormal uterine bleeding, na kung minsan ay malakas at kung minsan naman ay mahina.
Ngunit mas madalas umano ang pagkakaroon ng malakas na bleeding.
Patuloy ni Quillamor, ang mga may PCOS ay karaniwan din na nagkakaroon ng maitim at tila makapal ang batok.
Tinutubuan din ng bigote o buhok sa itaas ng labi ang may PCOS, at mas mabalahibo sa iba pang bahagi ng katawan kumpara sa ibang babae.
Tunghayan sa video na ito ng "Pinoy MD" ang buong pagtalakay sa PCOS at ang tugon ni Quillamor sa tanong kung puwede bang uminom ng gamot para sa ubo at sipon ang isang buntis.
Maaari na rin bang magpa-rebond o magpakulay ng buhay ang isang ginang na bagong panganak at nagpapadede ng sanggol? Panoorin.
--FRJ, GMA News