Lumitaw na isang agresibong saltwater crocodile ang maliit na buwayang nakita at nahuli sa isang sapa sa Pacita Complex sa San Pedro, Laguna. Ang malaking katanungan ngayon, saan ito nanggaling at mayroon pa nga bang kasama?
Noong nakaraang Pebrero nahuli ang naturang buwaya na malapit sa isang residential area, at unang napansin ng isang residente na tanaw sa bintana ang sapa.
Ayon sa nakakita, una niyang napansin ang kamay ng hayop na inakala niyang bayawak. Pero nang hanapin niya ang buntot nito, doon na niya napagtanto na buwaya ang nasa sapa.
Ilang construction worker naman ang nagtulong-tulong para ligtas na mahuli ang buwaya at dinala sa isang rescue center.
Sa programang "Born To Be Wild," pinuntahan ni Dr. Nielsen Donato at isang eksperto ang nahuling buwaya at doon nalaman na isa itong babaeng saltwater crocodile na tinatayang dalawang taong gulang lang.
Dahil walang palatandaan o marka sa katawan, hinihinala na galing ito sa "wild."
Gayunman, hindi pa rin malaman kung saan ito posibleng nanggaling o kung inaalagaan ba ito na nakawala.
Pero noong Enero, mayroon umanong nakuhanan ng video na buwaya rin na lumalangoy sa naturang sapa. Posible umanong iisa lang ang buwaya ngunit posible ring magkaiba kung pagbabatayan ang sukat o laki ng buwaya sa video na tila mas malaki sa nahuli sa Pacita.
Napag-alaman din na noong 2017, isang saltwater crocodile ang isinuko ng isang nag-aalaga sa mga awtoridad dahil wala siyang permit sa pag-aalaga.
Parehong isinailalim sa pagsusuri ang dalawang buwaya at kinunan ng sample para sa gagawing lab test.
May posibilidad kayang nanggaling sa Laguna lake ang buwaya? Panoorin ang video at alamin ang sagot ng eksperto.--FRJ, GMA News