Ang tunay na pag-ibig ay handang magsakripisyo tulad ng ginawa ng ating Panginoon para sa atin (Juan 3:14-21).
KUNG pagsasakripisyo alang-alang sa pag-ibig ang ating pag-uusapan, wala na sigurong makahihigit pa sa sakripisyong ibinigay mismo ng ating Panginoong Diyos para sa sangkatauhan.
Ito ang ating mababasa sa Mabuting Balita (Juan 3:14-21) na nagsasaad na: "Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan kaya't ibinigay niya ang Kaniyang kaisa-isang Anak; upang ang sinumang sumampalataya sa Kaniya ay hindi mapahamak, at sa halip ay magkaroon ng buhay na walang hanggan" (Juan 3:16).
Ang talatang ito ang isa sa pinakamagandang mensahe ng Panginoon para sa sangkatauhan. Kaya mayroon pa bang dahilan para pagdudahan natin ang pag-ibig sa atin ng Diyos?
May dahilan pa ba tayo para hindi maniwala sa sinabi ng ating Panginoon? Sa kabila ng ating mabigat na kasalanan ay patuloy Niya tayong minamahal at iniibig kahit tayo mismo ay hindi nagmamamhal at umiibig sa Diyos. Dahil mas ninanais pa natin ang mamuhay sa kasalanan o kadiliman sa halip na piliin natin ang mamuhay sa liwanag. (Juan 3:19-20)
Batid ng Diyos na mamamatay ang Kaniyang Anak dito sa ibabaw ng lupa pagdating ng takdang panahon sa pamamagitan ng pagkakapako sa Krus. Subalit ito ay Kaniyang tiinis alang-alang sa kaligtasan ng sangkatauhan.
Kaya mababasa natin sa Ebanghelyo na: "Isinugo ng Diyos ang Kaniyang Anak, hindi upang hatulan ng parusa ang sanlibutan, kundi para iligtas ito sa pamamagitan Niya-- na tumutukoy kay Hesu-Kristong Anak ng Diyos. (Juan 3:17).
Ang isang pag-ibig na hindi kayang magsakripisyo ay hindi maaaring tawaging totoong pag-ibig. Sapagkat ang pinaka-ugat mismo ng pag-ibig ay sakripisyo.
Ang tunay na umiibig ay alam ang salitang "pagbibigay" at hindi lamang ang salitang "pagtanggap" dahil kung totoo ang kaniyang pag-ibig, nakanda siyang magbigay at hindi lamang tanggap nang tanggap.
Hinahamon tayo ng Pagbasa kung ano ba ang kaya nating isakripisyo alang-alang sa ating Panginoon?
Ngayong panahon ng Kuwaresma, kaya ba nating isuko sa Diyos ang lahat ng ating mga masasamang gawain para patunayan na tayo ay totoong umiibig sa Kaniya?
Ang tunay na pag-ibig sa Diyos ay hindi lamang sa pamamagitan ng pagdarasal, pagsisimba, pagbabasa ng Bibliya at pangno-novena. Mapatutunayan lamang natin na totoo ang ating pag-ibig sa Panginoon kung kaya natin tumbasan ang Kaniyang sakripisyo alang-alang sa sangkatauhan. Ito ay sa pamamagitan pagtakwil sa ating mga mali o masasamang gawain na nagpapasaya sa atin, at ipangakong hinding-hindi na muling gagawin.
Manalangin Tayo: Panginoon namin Diyos, maraming salamat po sa Inyong pag-ibig sa amin sa kabila ng aming pagiging makasalanan. Nawa'y matutunan namin ang magsakripisyo alang-alang sa Iyo. AMEN.
--FRJ, GMA News