Pagkawala ng balanse, hindi makontrol na paggalaw ng mga bahagi ng katawan at panginginig -- ilan lamang ito sa sintomas ng Parkinson's disease. Ano nga ba ang sakit na Parkinson's disease na pabata na nang pabata ang tinatamaan?

Sa programang "Pinoy MD," sinabing ang Parkinson's disease ay posibleng nagmula sa pagkamatay ng brain cells na lumilikha ng neurotransmitter na dopamine na kumokontrol sa pagkilos ng tao, base na rin sa pagsusuri ng mga eksperto.

Kaya kapag nawala na ang mga cell na lumilikha ng dopamine, nawawalan ng kontrol sa katawan ang isang tao.

Ayon sa neurologist na si Monica Ang, nagsisimula ang Parkinson's disease sa mga mild na sintomas tulad ng panginginig ng kamay at maaaring umabot sa mas malalang stage tulad ng pagkawala ng balanse at pagkabulol.

Meron ding non-motor symtpoms tulad ng constipation, kahirapan sa paglunok, paglalaway, problema sa pagtulog, at anxiety o depression.

Sabi ni Ang, ilan sa risk factors na konektado sa Parkinson's disease ang head injury, exposure sa mga kemikal tulad ng pesticide, o maaaring genetic o namana.

Kadalasang nagkakaroon ng Parkinson's disease ang mga nasa edad 50 pataas, kaya bihira ang kaso ng mga nagkakaroon nito ng 50 anyos pababa.

Pero may lunas pa nga ba sa sakit na Parkinson's disease?

Tunghayan ang kuwento ni Lorna Taruc na may bihirang kondisyon ng Parkinson's Disease sa edad 43, at nahihirapang alagaan ang kaniyang mga anak. Panoorin.

--FRJ, GMA News