Dapat ipaliwanag ng hepe ng pulis sa Valencia City, Bukidnon na nahuli-cam na naglagay ng baril sa isa umanong drug suspect na napatay sa buy-bust operation matapos daw na manlaban.
Sa text message sa GMA News Online, sinabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Ildebrandi Usana, na hindi na maipapaliwanag ng pulis na nakita sa video ang ginawang paglalagay ng baril sa drug suspect dahil namatay ito sa aksidente ilang araw matapos mangyari ang sinasabing anti-illegal drugs operation.
“He (policeman on video) could have been made to explain his side. The chief of police will just have to explain on what grounds did the policeman operate that caused the death of the alleged drug suspect,” ayon kay Usana.
Sa viral video, nakita si Police Corporal Benzon Gonzales na tatlong beses na ipinutok sa ere ang baril bago inilagay sa tabi ng nakabulagtang drug suspect na kinilalang si Pol Estañol.
Nangyari ang insidente noong Pebrero 20, at ilang araw matapos nito, nasangkot umano sa aksidente si Gonzales at namatay kinalaunan.
Ayon sa Police Regional Office 10, lehitimo ang naturang buy-bust operation at talaga raw nanlaban si Estañol.
Ipinutok lang umano ni Gonzales ang baril na sinasabing kalibre .38 dahil sa galit.
Ngunit pinuna ng mga nakapanood sa video kung bakit tatlong basyo lang ng bala mula sa kalibre .38 na baril ang nakita sa crime scene.
Ayon kay Police Regional Office 10 spokesperson Police Captain Francisco Sabud, aalamin pa nila ang "authenticity" ng viral video.
Sinabi ni Usana na hindi kokonsintihin ng pamunuan ng PNP kung tunay na "nagtanim" ng ebidensiya ang pulis.
“The PNP will never condone such act from that policeman,” anang opisyal. “We value human rights, we follow the rule of law, and we cannot allow any law enforcer to break the law he is expected to enforce.”
Una rito, iniulat ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa United Nations Human Rights Council na maraming baril na nakuha sa mga napatay na drug suspect sa kampanya laban sa droga ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hindi nasuri ng mga awtoridad.--FRJ, GMA News