Taliwas sa inihayag ng ilang kaibigan ni Christine Dacera na wala silang nakita "droga" sa kanilang yearend party sa isang hotel sa Makati, lumilitaw naman sa testimonya ng isa sa mga dumalo na may nakita siyang "powder drugs," ayon sa ulat ng GMA News "24 Oras."
Sa ulat ni GMA News reporter Emil Sumangil, sinabi ng source na nakasaad umano sa sinumpaang salaysay ni JP Dela Serna na isang "Mark Anthony Rosales" ang nagdala ng “powder drugs.”
"...bandang 1:00 am ng January 1, 2021 ay may ipinakita si Mark Anthony Rosales habang kami ay nag-iinuman na may dinukot siya sa kaniyang medyas at ipinakita sa amin ang isang powder drugs na nakabalot sa plastic," saad umano sa salaysay.
"Inaya po niya akong gumamit nito ngunit hindi ako pumayag. At pagkaraan ay nakita kong lango na sina Louie [de Lima] at Mark dahil sa ginamit nila na powder drugs na dala ni Mark," sabi ni Dela Serna.
Sa press conference kamakailan ng ilang kaibigan ni Dacera na kasama sa hotel, sinabi ni Rommel Galido na nagsumbong sa kaniya ang dalaga na tila may inihalo si "Mark" sa kaniyang inumin kaya nag-iba ang kaniyang pakiramdam.
“Tumabi siya sa’kin, then sabi niya, ‘Sis, parang I feel something, parang naiiba ‘yung pakiramdam ko.’ I think merong naglagay sa drink niya, sabi niya sa’kin. Then sabi ko, ‘Who?’ and then sabi niya, ‘I think Mark,’” ayon kay Galido.
“Then sabi ko lang sa kanya, ‘Gaga, kung ano anong pinag-iisip mo.’ Gumano’n lang ako sa kanya then dinedma ko na siya, bumalik na naman ako sa pagtulog,” patuloy niya.
Nang tanungin kung sina ang Mark na tinutukoy ni Dacera, ayon kay Galido: si Mark Anthony Rosales.
Samantala, sa tulong ng security camera ng hotel, nalaman na dakong 7:00 am nang mag-alisan ng hotel ang ilan sa mga lalaking umukupa sa Room 2207, ang katabing kuwarto na 2209 naman ng grupo ni Dacera.
Sinabi ng mga kaibigan ni Dacera na ilang beses tumawid sa 2207 ang dalaga kung saan nakita rin sa CCTV na sinusundo pa nila ito pabalik sa kanilang kuwarto na 2209.
Sakay ng pulang kotse ang ilan sa mga umukupa ng 2207 nang umalis sa hotel, ilang oras bago nakitang hindi na humihinga sa bathtub si Dacera.
Nauna nang sinabi ng National Bureau of Investigation na tukoy na nila ang pagkakakilanlan ng mga taong umukupa sa 2207.
Sa ulat, sinabi ng source na 2209 ang unang kuwarto na ipina-book ng grupo ni Dacera noong December 30. Kinabukasan December 31, nagpareserba pa ng isang kuwarto ang grupo na 2207 naman.
Sa salaysay, sinabi ni John Paul Halili, hotel manager at kaibigan ni Dacera, siya ang nag-asikaso sa mga kuwarto na hiniling ng grupo.
Si Dela Serna umano ang nagpakilala kay Halili sa mga umukupa sa Room 2207. — FRJ, GMA News