Isinugod sa ospital ang isang pulis na may ranggong tinyente matapos umanong barilin ng kaniyang live-in partner na isa namang patrolwoman sa General Santos City.

Sa ulat ni Sara Hilomen Velasco sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa bahay ng dalawa matapos ang kanilang mainit na pagtatalo.

Ayon sa pulisya, nakatalaga ang biktimang tinyente sa Drug Enforcement Group sa Caraga Region, habang nakatalaga sa katulad na unit sa SOCCSKSARGEN ang suspek na patrolwoman.

Nagkaroon umano ng mainit na pagtatalo ang dalawa hanggang sa barilin ng suspek ang biktima na tinamaan sa kamay.

Patuloy siyang inoobserbahan sa ospital.

“Initially, meron daw silang relasyon dalawa. Sabi ng suspek 'di na raw napigilan ng suspek yung kaniyang damdamin kaya nagawa níya ang pagbaril sa biktima,” ayon kay Police Station 2 Commander, Police Major Miguel Angelo Quidilla.

Hinihintay umano ng mga awtoridad ang pormal na reklamo ng biktima na isasampa laban sa suspek.

“Frustrated homicide yun ang naka-prepare na criminal case na pwede isampa natin sa suspek,” ayon kay Quidilla.

Wala pang pahayag na ibinibigay ang inarestong suspek na nakadetine na. -- FRJ, GMA Integrated News