Nasagip ang isang babae mula sa pambubugbog umano ng kaniyang Taiwanese na nobyo sa Makati City sa pamamagitan ng pag-book sa isang ride-hailing app at nagpadala ng mga mensahe sa rider para saklolohan siya.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing nailigtas ng mga tauhan ng Makati City Police Station ang 23-anyos na biktima nitong Miyerkoles ng madaling araw.

Base sa salaysay ng motorcycle rider na hindi na humarap sa camera, nagpasundo ang babae sa isang hotel sa Poblacion gamit ang app.

Ngunit sa halip na sumakay ang biktima, nagpadala siya ng magkakasunod na mensahe ng paghingi ng saklolo.

Dahil dito, agad nagpunta sa estasyon ng pulisya ang rider upang ipaalam ang nangyari.

Nang makarating na ang pulisya sa labas ng kuwarto ng hotel, agad ding sumuko ang 45-anyos na dayuhang suspek.

“We were able to rescue the victim. Nadala natin doon sa station then nakuhanan natin ng details. Bale sa kaniyang report, three times na siyang binugbog. Noong una pinagbigyan niya, allegedly nakalagay sa report niya is under the influence of liquor. Pagka nalalasing, sinasaktan siya,” sabi ni Police Major Danilo Oamil, Station Commander ng Poblacion Sub-station 6, Makati City Police.

Hindi pa malinaw sa kasalukuyan ang dahilan ng pambubugbog ng suspek sa biktima.

Napagkasunduan ng dalawa na tuluyan nang maghiwalay kaya pinapirma sila sa barangay ng mga sinumpaang salaysay.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makipag-ugnayan sa biktima at sa suspek.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News