Kuyog ang inabot ng isang lalaking rider dahil sa walang tigil niyang pagwawala matapos siyang may makabanggang kapwa motorcycle rider sa Barangay 14 sa Bacolod City.

Sa ulat ng "Balitanghali" nitong Biyernes, mapanonood ang lalaki na patuloy sa pakikipagtalo sa mga residente sa lugar.

Sinabi ng mga taga-barangay na dinuduro pa ng lalaki ang mga nagdaraan doon.

Sinusubukang pakalmahin ang lalaki habang hinihintay ang pulisya, ngunit ayaw niyang magpaawat dahilan para kuyugin siya ng mga residente.

Ilang beses na nasuntok ang lalaki para manahimik.

Sinabi ng pulisya na 24-anyos ang lalaki, na isang guwardiya.

Nakipag-areglo na ang lalaki, na tumangging magbigay ng kaniyang panig sa news team. — Jamil Santos/BAP, GMA Integrated News