Sa harap ng nararanasang COVID-19 pandemic, 50 porsiyento lang ng mga Pinoy ang nagsabing magiging masaya pa rin ang kanilang Pasko, batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS).
Ayon sa SWS, ito na ang pinakamababa nilang naitala mula noong 2005, 2006 at 2013 na 62 porsiyento ang nagsabing magiging masaya ang kanilang Pasko.
Nitong nakaraang taon, 79 porsiyento ng mga Pinoy ang naniniwalang masaya ang kaniyang Pasko.
Pinakamarami sa mga tinanong na nagsabing magiging masaya ang kanilang Pasko ay nasa Mindanao (65%) at Visayas (57%). Pinakamababa naman sa Balance Luzon (42%) at Metro Manila (36%).
Samantala, 15 porsiyento ng mga tinanong sa survey ang nagsabing magiging malungkot ang kanilang Pasko—na bagong record-high din matapos malampasan ang 11 porsiyento na naitala noong 2011.
Noong 2019, dalawang porsiyento lang ang nagsabing magiging malungkot ang kanilang Pasko.
Mas marami sa mga nagsabing magiging magiging malungkot ang kanilang Pasko ay nagmula sa mga pamilyang nagsabing nakararanas sila ng gutom sa nakalipas na tatlong buwan.
Mas mataas din ito sa mga natanong at nagsabing mahirap ang buhay nila ngayon, o lumalala ang kalagayan ng kanilang pamumuhay.
Samantala, 33 porsiyento naman ng mga tinanong ang nagsabing hindi magiging masaya at hindi rin naman malungkot ang kanilang Pasko.
Ginawa ang survey mula November 21-25, 2020, sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,500 adults (18 years old and above) sa buong bansa.
Dahil sa COVID-19 pandemic, marami ang nawalan ng trabaho o nalugi ang negosyo, at marami rin ang nagkasakit at binawian ng buhay.--FRJ, GMA News