May halaga ba ang pananampalatayang galing sa salita lamang pero kulang naman sa gawa? (Mt. 21:28-32).

Kapag ikaw ay binibigyan na ng pagkakataon para magbagong buhay at magbalik-loob sa Diyos, tatanggi ka ba o iiwas?

May dahilan ba para iwasan natin ang magandang pagkakataon na makapagbagong buhay at makapamuhay nang payapa?

Ganito ang ating mababasa sa Mabuting Balita (Mateo 21:28-32) tungkol sa Talinghaga ng dalawang anak matapos silang anyayahan ng kanilang ama na magtrabaho sa ubasan.

Batay sa kuwento, nagsabi ang panganay na anak na lalaki sa kaniyang ama na hindi siya pupunta sa ubasan para magtrabaho. Subalit kinalaunan ay nagbago ang isip niya at nagpunta rin siya sa ubasan para magtrabaho.

Ang kuwentong ito ay naglalarawan sa mga taong tumugon sa tawag at imbitasyon ng Panginoon na magbagong-buhay at magbalik-loob sa Kaniya.

Ang panganay na anak ay gaya ng ilan sa atin na matigas ang paninindigan at matigas ang kanilang puso na parang bato. Subalit matapos silang makapag-isip isip, matauhan, at napagtatanto nila ang pagbabalik-loob.

Kung minsan, kinakailangan pa tayong paalalahanan at dumaan sa mabigat na pagsubok sa buhay bago mamulat ang ating isipan na kailangan na nating magbalik-loob sa Panginoon.

Pero anuman ang dahilan ng pagbabagong-buhay at pagbabalik loob, ang mahalaga ay tinugunan natin ang tawag at imbitasyon ng Panginoong Diyos.

Samantalang ang bunsong anak naman ay naglalarawan sa mga taong inimbitahan at inanyayahan ng Diyos na magbago; na bagaman tumugon sa paanyaya ay hindi hindi naman nakikita sa kanilang mga gawa ang tunay na pagbabago.

Ito ang ipinapakita sa Pagbasa na matapos anyayahan ng ama ang bunsong anak na magtrabaho sa ubasan, sumagot siya na pupunta pero hindi naman pala.

May mga nagsasabing sila ay maka-Diyos, panatiko at sagrado Katoliko. Subalit hindi naman ito nakikita sa kanilang pamumuhay. Tulad ng bunsong anak sa kuwento ng Pagbasa na sumagot lamang ng "Oo" pero hindi naman nakikita sa gawa ang sinasabi ng kanilang bibig.

Itinuturo ng Ebanghelyo na ang pananampalataya sa Diyos ay walang halaga kung ito ay namumutawi lamang sa ating mga bibig. Ang gustong makita sa atin ng Panginoon ay ang pananampalatayang may kasamang gawa. At makikita iyan sa uri ng pamumuhay ng isang tao, sa kaniyang pusong mapagmahal, mahinahon at puno nang kababaang-loob. AMEN.

--FRJ, GMA News