Muling nadungisan ang imahe ng Philippine National Police (PNP) dahil sa ginawang pamamaril ni Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca sa isang mag-ina sa Paniqui, Tarlac. Dahil nangyari, naapektuhan nga ba ang tiwala ng publiko sa kapulisan?

Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, naging hati ang sagot ng mga taong kaniyang tinanong.

"Sa nakita namin ngayon, parang nawala na kasi 'yung tiwala namin sa mga pulis," sabi ng isang babae.

"Natatakot na rin po siyempre, 'pag uminit 'yung ulo nila, may possibility na ganu'n din," ayon sa isa pang babae.

"Hindi, hindi na. Marami na rin kasi akong background sa mga pulis. Sa Facebook ko rin nakikita," sabi ng isa pang babae.

Marami pa rin naman ang nagsabing hindi nabawasan ang kanilang tiwala sa kapulisan.

"May tiwala naman po kasi hindi naman po natin masasabi na 'pag kasalanan ng isa kasalanan ng lahat," ayon sa isang lalaki.

"Hindi naman lahat ng mga pulis masama, merong mababait," sabi ng isa pang lalaki.

"May tiwala kasi, titingnan mo lang, Malalaman mo naman, masasabi mo naman kung ano ang pag-uugali ng pulis," sabi ng isang ginang.

"Nasasa-tao po 'yun eh, hindi dahil sa umiporme, 'yung personality ng tao, 'yung temper ng tao. Pero dapat kasi 'yung pulis may maximum tolerance sila sa ganu'ng bagay," sabi ng isang babae.

"Mamamatay-tao na siya, kriminal na siya kumbaga, hindi na siya pulis," sabi naman ng isang babae.

"Nakakasama rin ng loob na nangyari po 'yun, 'yung image po ng pulis nasira po dahil sa ganu'n," sabi ng isang lalaking applicant sa PNP.

Sinabi naman ni PNP Chief Police Major General Debold Sinas na itinuturing nilang isolated case ang krimen kinasangkutang insidente ni Nuezca, at hindi nakakaapekto sa sinumpaan nilang tungkulin ng buong hanay.--FRJ, GMA News