Sa tulong ng Cardiopulmonary resuscitation (CPR), nailigtas sa kamatayan ang isang batang elepante sa Thailand na nabundol ng motorsiklo.
Sa ulat ng Reuters, sinabing ipinatawag ang naka-off duty na rescue worker na si Mana Srivate para sagipin ang elepante.
Sa 26 na taon ni Srivate bilang rescue worker, iyon daw ang unang pagkakataon niyang nagsagawa ng CPR sa isang elepante.
Sa nag-viral na video, makikita na nagsagawa ng two-handed compressions si Srivate sa elepante na nakahiga sa kalye, hindi kalayuan sa sugatan ding rider na nakabundol sa kaniya.
Kapwa naman nakaligtas ang rider at elephant sa nangyaring sakuna.
“It’s my instinct to save lives, but I was worried the whole time because I can hear the mother and other elephants calling for the baby,” sabi ni Srivate sa Reuters.
“I assumed where an elephant heart would be located based on human theory and a video clip I saw online,” dagdag niya.
Halos maiyak daw siya sa tuwa nang makita niyang gumalaw ang elepante.
Nang makatayo na ang elepante pagkaraan ng 10 minuto, dinala siya sa isang lugar para gamutin ang iba pang sugat bago siya ibinalik sa lugar na pinangyarihan ng aksidente para makasamang muli ang kaniyang pamilya.
Ayon kay Srivate, sa mga taong nagsagawa siya ng CPR na nasangkot sa mga sakuna, tanging ang elepante lang ang kaniyang naisalba. --Reuters/FRJ, GMA News