Pumanaw na sa edad na 42-anyos ang frontman ng "Slapshock" na si Vladimir "Jamir" Garcia.
Kinumpirma sa GMA News ni Quezon City Police District Talipapa Police chief Police Lieutenant Colonel Christine Tabdi nitong Huwebes ng hapon ang malungkot na balita.
Sa police report, nakasaad na nakita ang katawan ni Jamir sa banyo ng kaniyang bahay sa Quezon City dakong 9:00 am nitong Huwebes.
Isinugod si Jamir sa Metro North hospital pero idineklara ng duktor na dead on arrival na ang mang-aawit.
"'Yun nga nirespondehan ng pulis kasi nireport na may lifeless body pero sa hospital na rin siya nakuwan... tapos dineclare ng doctor na dead on arrival," sabi ni Tabdi sa panayam sa telepono.
Idinagdag ni Tabdi na ang Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD ang magsasagawa ng imbestigasyon sa dahilan ng pagpanaw ni Jamir.
"Sila na 'yung gagawa ng further investigation..." anang opisyal.
Binuo noong 1997 ang Slapshock at naging isa sa mga bandang nagpasikat sa mga kantang "new metal" sa bansa. Kabilang sa mga sikat nilang kanta ang "Agent Orange," "Ngayon Na," "Langit," "Anino Mo," "Salamin," at "Luha."
Sa Twitter, pinalitan ng itim na kulay ang profile picture ng Slapshock, pagpapakita ng kanilang pagdadalamhati.
Kaagad namang nagpaabot ng pakikiramay ang mga tagahanga at maging ang ilang sikat at celebrity na mang-aawit sa pagpanaw ni Jamir.— FRJ, GMA News
*Kung kailangan ng makakausap, puwedeng tawagan ang Hopeline, ang 24/7 suicide prevention hotline: (02) 8804-4673; 0917-5584673.